Ebanghelyo: Mateo 5:33-37
Narinig na rin ninyo na sinabi sa inyong mga ninuno: Huwag kang sisira sa iyong sinumpaan. Tuparin mo ang sinumpaang pangako sa Panginoon. Ngunit sinasabi ko naman sa inyo: huwag kayong manumpa sa ngalan ng Langit pagkat naroon ang trono ng Diyos, ni sa ngalan ng lupa pagkat ito ang tuntungan ng kanyang mga paa, ni sa ngalan ng Jerusalem pagkat ito ang lunsod ng Dakilang Hari. Huwag kang manumpa ni sa ngalan ng iyong ulo pagkat ni hindi mo kayang paputiin o paitimin ni isang hibla ng iyong buhok. Sabihin mong oo kung oo at hindi kung hindi. Ano pa mang sasabihin mo’y sa demonyo na galing.
Pagninilay
Ang panunumpa ay napakahalaga sa buhay ng tao: mapa- Diyos, sa sarili o sa kapwa. Kung tayo ay manunumpa, nangangahulugang ito’y dapat nating tuparin. Ang pagtupad ay sumasalamin sa ating pagkatao, kung ano at sino tayo. Ito’y hindi nagtatapos sa salita, ito ay ginagabayan ng pagkilos at paggawa. Winika sa ebanghelyo na kung ang ibig nating sabihin ay “oo” ay “umuo” tayo at kung “hindi” naman ay “humindi” tayo. Napakadaling sabihin ngunit napakahirap sundin. Kaya kung tayo’y manunumpa: 1) Pagnilayan at bigyan puwang ang pananahimik upang makagawa ang angkop na paghusga sa pagdedesisyon, at 3) Maging tapat sa sasabihin, kailangan ng sinseridad sa pagtupad ng mga pinangako. Tayo ay inanyayahan ng Diyos na maging matatag sa ating panunumpa gamit ang puso at isipan upang ito’y maging mas makabuluhan.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020