Ebanghelyo: Lucas 13:10-17
Nagtuturo siya sa isang sinagoga sa Araw ng Pahinga, at may isang babae roon. Labingwalong taon na siyang may espiritung nagbibigay-sakit; nagkakakandakuba na siya at di makatingala. Pagkakita sa kanya ni Jesus, tinawag siya nito at sinabi: “Babae, lumaya ka sa iyong sakit.” Ipinatong nito sa kanya ang mga kamay at agad na nakatayo nang tuwid ang babae at nagpuri sa Diyos. Nagalit ang pangulo ng sinagoga dahil nagpagaling si Jesus sa Araw ng Pahinga kaya sinabi niya sa mga tao: “May anim na araw para magtrabaho kaya sa mga araw na iyon kayo pumarito para mapagaling, hindi sa Araw ng Pahinga!” Sinagot siya ng Panginoon: “Mga mapagkunwari, hindi ba kinakalagan ng bawat isa sa inyo ang kanyang baka o asno mula sa sabsaban nito sa Araw ng Pahinga at inilalabas para painumin? At isang babae naman ang narito na anak ni Abraham na labingwalong taon nang iginapos ni Satanas. Di ba siya dapat kalagan sa Araw ng Pahinga?” Napahiya ang lahat niyang kalaban pagkarinig sa kanya pero nagalak naman ang mga tao sa lahat ng kahanga-hangang ginagawa ni Jesus.
Pagninilay
Ang mga kababaihan sa Palestina sa panahon ni Jesús ay napapailalim sa kalooban ng kanilang asawa, ng kanilang mga magulang at sa mga pinuno ng relihiyon. Ang sitwasyong ito’y binigyang- katwiran ng relihiyon. Kaiba sa pananaw ni Jesus, di niya nais na ang mga kababaihan ay patuloy na maghirap sa kahit anumang kapansanan. Kayat di mahalaga sa kanya ang palayain sila sa sistemang mapang-api. Ang awa niya’y walang pinipiling araw kahit na Sabado, ang Araw ng Pahinga. Mas mahalaga kay Jesus ang pagpapalaya sa anumang sitwasyon na umaalipin sa mga kababaihan noon at hanggang ngayon.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020