Ebanghelyo: Lucas 13:1-9
Dumating naman ang ilang tao na nagbalita kay Jesus ng nangyari sa Templo. Ipinapatay nga ni Pilato ang mga taga-Galilea at nahalo ang kanilang dugo sa mga handog nila. Sinabi ni Jesus sa kanila: “Sa akala ba ninyo’y mas makasalanan ang mga taga-Galileang iyon kaysa lahat ng mga taga-Galilea dahil sila ang nagdusa? Hindi. At sinasabi ko sa inyo: kung hindi kayo magbabago, mapapahamak din kayong lahat. Gayon din naman sa namatay na labingwalong taong nabagsakan ng tore sa Siloe, sa akala ba ninyo’y mas may utang sila sa Diyos kaysa lahat ng naninirahan sa Jerusalem? Sinasabi ko: hindi, pero kung hindi kayo magbabago, mapapahamak din kayong lahat.” At sinabi ni Jesus ang talinhagang ito: “May taong may isang puno ng igos sa kanyang ubasan. At pumunta siya para maghanap ng mga bunga pero wala siyang nakita. Kaya sinabi niya sa nag-aalaga ng ubasan: ‘Tatlong taon na akong pumaparito sa paghahanap ng mga bunga sa punong-igos na iyan at wala akong nakita. Putulin mo iyan at pampasikip lang sa lupa.’ Ngunit sumagot sa kanya ang tauhan: ‘Ginoo, pabayaan mo na siya ngayong taon. Maghuhukay ako sa paligid nito at lalagyan ng pataba. Baka sakaling mamunga siya ngunit kung hindi’y saka mo siya putulin.”
Pagninilay
Ang talinhagang ito ay maaaring maiugnay sa sinabi ni Jesús. Ang mga taong nakipag- usap sa kanya’y tulad ng mga puno ng igos na hindi nagbunga. At ang tatlong taon naman na binanggit ay maaaring tumutukoy sa haba ng ministeryo ni Jesus. Ngunit may pagkakataon pa sila na magbago ng kanilang buhay na hindi binigay sa mga namatay sa dalawang insidente. Tayo rin ay binibigyan ng pagkakataon – isang araw? isang buwan? isang taon? Walang katiyakan ngunit ang mahalaga’y huwag nating sayangin ang panahon upang magbago. Magsimula tayo ngayon dahil ang nakaraan ay tapos na at ang bukas nama’y darating pa.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020