Ebanghelyo: Mateo 11:25-30
Nagsalita si Jesus sa pagkakataong iyon: “Pinupuri kita Amang Panginoon ng Langit at lupa, sapagkat itinago mo ang mga bagay na ito sa matatalino at marurunong, at ipinamulat mo naman sa mga karaniwang tao. Oo, Ama, ito ang ikinasiya mo. Ipinagkatiwala sa akin ng aking Ama ang lahat. Walang nakakakilala sa Anak kundi ang Ama, at walang nakakakilala sa Ama kundi ang Anak at ang sinumang gustuhing pagbunyagan ng Anak. Lumapit sa akin, lahat kayong nahihirapan at may pinapasan, at pagiginhawahin ko kayo. Kunin ninyo ang aking pamatok at matuto sa akin, akong mahinahon at mababangloob, at makakatagpo kayo ng ginhawa para sa inyong kaluluwa. Sapagkat mahusay ang aking pamatok at magaan ang aking pasanin.”
Pagninilay
Nagpasalamat si Jesus sa Ama dahil sa mga dakilang bagay na ginawa ng Maykapal. Ipinapakilala Niya ang kanyang kalooban sa mga karaniwang taong nagtitiwala sa Diyos. Halimbawa na rito ay ang mga naging marunong sa mata ng Diyos kahit hindi nakapagtapos ng kolehiyo. May mga naging banal kahit hindi natutong magbasa. Dito naipapakita na iba ang katalinuhan ng tao na pinupuri ng mundo kaysa sa pagiging marunong at banal, at ito ang ikinasisiya ng Panginoon. Inaanyayahan tayo ni Jesus na lumapit sa kanya kapag tayo’y pagod na at kunin ang kanyang pamatok. Ang pamatok ay akma sa anyo ng kalabaw na tumutulong sa kanya at sa kapwa niya kalabaw na sabay humila sa araro. Na kahit pagod na ang kapwa niya kalabaw ay kaya pa din nilang ituloy at tapusin ang sinimulang trabaho. Hindi mawawala ang pagsubok sa ating mga naging alagad ni Jesus, ngunit ng dahil kay Kristo makakayanan natin ang lahat at makakatagpo tayo ng kaginhawaan.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020