Ebanghelyo: Mateo 16:21-27
Mula sa araw na iyon, ipinaalam ni Jesucristo sa kanyang mga alagad na kailangan siyang pumunta sa Jerusalem: pahihirapan siya ng mga Matatanda ng mga Judio, ng mga punong-pari at ng mga guro ng Batas. Papatayin siya at muling babangon sa ikatlong araw. Dinala naman siya ni Pedro sa isang tabi at sinimulang pagsabihan: “Huwag sana, Panginoon! Hindi ito puwede.” Ngunit hinarap ni Jesus si Pedro at sinabi sa kanya: “Sa likod ko, Satanas! At baka mo pa ako tisurin. Hindi sa Diyos galing ang iyong iniisip kundi mula sa tao.” At sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Kung may ibig sumunod sa akin, itakwil ang kanyang sarili at kunin ang kanyang krus para sumunod sa akin. Sapagkat ang naghahangad na magligtas ng kanyang sarili ang mawawalan nito ngunit ang naghahangad na mawalan ng sarili alangalang sa akin ang makakatagpo nito. “Ano ang pakinabang ng tao tubuin man niya ang buong daigdig kung sarili naman niya ang mawala? Ano ang maibibigay niya para mabawi ito? “Darating nga ang Anak ng Tao taglay ang kaluwalhatian ng kanyang Ama at kasama rin ang kanyang mga banal na anghel, at doon niya gagantimpalaan ang bawat isa ayon sa kanyang mga gawa.”
Pagninilay
Noong bata pa ako at narinig ang ebanghelyong ito iniisip ko kung ano kaya ang ibig sabihin ng itakwil ang sarili. Para sa akin noon ang kahulugan nito ay sumunod sa magulang at mag-aral ng mabuti, magsimba at magdasal. Nang binata na ako, iniisip ko ulit kung ano kaya ang ibig sabihin ng itakwil ang sarili. Para sa akin noon ang kahulugan nito ay pumasok sa seminaryo. Nang seminarista na ako ang itakwil ang sarili’y ibig sabihin ay magpunta sa ibang bansa bilang misyonero. Para sa iyo ngayon, ano ang ibig sabihin ng itakwil ang sarili at mag-alay ng buhay? Iba’t iba ang sagot sa tanong na ito ayon sa kalagayan ng tao at sa pagiging bukas sa Espiritu Santo. Sa lahat ng sagot, nakikita natin ang kahilingan ng tao na gawin kung ano ang mabuti at nakalulugod sa Diyos. Sa ganitong paraan, makakamit natin ang buhay na walang hanggan.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020