Ebanghelyo: Marcos 6:17-29
Si Herodes ang nagpahuli kay Juan, at ipinakadena ito sa kulungan dahil kay Herodias na asawa ng kanyang kapatid na si Felipe. Pinakasalan ni Herodes si Herodias at sinabi ni Juan kay Herodes: “Hindi mo puwedeng kasamahin ang asawa ng iyong kapatid.” Talaga ngang matindi ang galit ni Herodias kay Juan at gusto niya itong patayin pero hindi niya magawa. Iginagalang nga ni Herodes si Juan dahil itinuturing niya itong mabuti at banal na tao, kaya pinanatili niya itong buhay. Nalilito siya matapos makinig kay Juan, gayunma’y gusto pa rin niyang marinig ito. At nagkaroon ng pagkakataon sa kaarawan ni Herodes nang maghanda siya para sa kanyang mga opisyal, mga pinuno ng hukbo at mahalagang tao ng Galilea. Pagpasok ng anak ni Herodias, nagsayaw ito at nasiyahan naman sa kanya si Herodes at lahat ng nasa handaan. Sinabi ng hari sa dalagita: “Ibibigay ko sa iyo ang anumang hingin mo.” At sinumpaan pa niya ang pangakong ito: “Ibibigay ko sa iyo ang anumang hingin mo, kahit na ang kalahati ng aking kaharian.” Lumabas ang anak at tinanong ang kanyang ina: “Ano ang hihingin ko?” At sumagot naman ito: “Ang ulo ni Juan Bautista.” Agad niyang pinuntahan ang hari at sinabi: “Gusto kong ibigay mo agad sa akin ang ulo ni Juan Bautista sa isang bandeha.” Nabalisa ang hari ngunit ayaw niyang tumanggi dahil sa sinumpaan niyang pangako sa harap ng mga bisita. Kaya iniutos ng hari sa isa niyang guwardiya na dalhin ang ulo ni Juan. Pinugutan nito si Juan sa kulungan, inilagay sa isang bandeha ang kanyang ulo, ibinigay sa dalaga, at ibinigay naman ito ng dalaga sa kanyang ina. Nang mabalitaan ito ng mga alagad ni Juan, dumating sila para kunin ang kanyang katawan at inilibing.
Pagninilay
Gustong-gusto ni Herodes makinig kay Juan kahit minsan natatamaan siya sa mga sinasabi ng propeta. Nasiyahan din ang hari sa sayaw ng dalagita, pero nabalisa siya nang marinig ang kanyang kahilingan. Dahil ayaw niya ring ipahiya ang kanyang sarili sa harapan ng mga imbitado, napagpasyahan niyang patayin si Juan, kahit ayaw niya itong gawin. Iba’t ibang damdamin ang nasa puso ng hari, at kung ano ang mas mabigat na damdamin, ito ang kanyang sinusunod. Kaya nagkamali siya. Kapag masyadong maramdamin ang isang tao, at palaging nagtatampo, ‘’may topak,’’ dinidibdib ang salita’t gawa ng iba, maaring mali rin ang kanyang mga pasya. Hindi nakasalalay ang mga pasya ng marangal sa kanyang damdamin lamang, kundi pati sa kanyang budhi.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020