Ebanghelyo: Mateo 23:23-26
Sinabi ni Jesus, “Kawawa kayong mga guro ng Batas at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari! Hindi ninyo nalilimutan ang mint, anis at kumino sa pagbabayad ninyo ng ikapu ngunit hindi ninyo tinutupad ang pinakamahalaga sa Batas: ang katarungan, awa at pananampalataya. Ito ang nararapat isagawa na hindi kinakaligtaan ang iba. Mga bulag na tagaakay! Sinasala ninyo ang lamok, pero nilulunok ang kamelyo. “Kawawa kayong mga guro ng Batas at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari! Nililinis ninyo ang labas ng plato at kopa ngunit pinupuno naman ninyo ang loob ng pagnanakaw at karahasan. Bulag na Pariseo! Linisin mo muna ang loob at lilinis din ang labas.”
Pagninilay
Sa ‘’Diksyunaryo ng Wikang Filipino’’ ng komisyon sa Wikang Pilipino, ang kahulugan ng salitang ‘’mapagkunwari’’ ay “mapagpanggap— mapaggawa ng anumang bagay nang hindi tapat sa kalooban at pakitang-tao lamang.’’ Mapagkunwari ang taong naglilinis ng labas ng plato at kopa, ngunit pinupuno naman niya ang loob ng pagnanakaw at mga maling gawi. Sa madaling salita, gusto ng mga mapagkunwari na akalain ng mga tao na mabait siya, habang inililihim ang masasamang gawain. At higit sa lahat, ayaw niyang baguhin ang masasamang ugali. Kawawa talaga ang taong sumusunod sa ilang batas lamang, ngunit tinatalikuran ang katarungan, awa, at pananampalataya. Ang mga ito, hindi ang pera, ang nakapagpapabuti sa isang tao. Kung ang mga ito ang uunahin mo, hindi “mapagkunwari’’ ang itatawag sa’yo, kundi ‘’Mapalad’’: “maswerte, kinakasihan ng kapalaran.’’
© Copyright Pang Araw-Araw 2020