Ebanghelyo: Lucas 11:42-46
Sawimpalad kayong mga Pariseo! Nagbabayad nga kayo ng ikapu ng yerbabuena at ng ruda at ng lahat ng gulay, at pinababayaan naman ninyo ang katarungan at ang pag-ibig sa Diyos. Ito nga ang dapat gawin nang di kinaliligtaan ang mga iyon. Sawimpalad kayong mga Pariseo! Gusto ninyong mabigyan ng pangunahing upuan sa mga sinagoga at mabati sa mga liwasan. Sawimpalad kayo, na parang mga nakatagong libingan, na inaapakan ng mga tao at di man lang nila namamalayan.” Nagsalita ang isang guro ng Batas: “Guro, iniinsulto mo rin kami sa pagsasabi mo ng mga ito.” At sinabi ni Jesus: “Sawimpalad din kayong mga guro ng Batas! Ipinapapasan ninyo sa mga tao ang mga napakabibigat na pasanin, ngunit ni isang daliri ay ayaw ninyong igalaw para tulungan sila.
Pagninilay
Sa pagnanais ng iilan na maging katulad sa mga sikat na mga taong tinitingala ng lipunan, lumalaganap ang mga pekeng produkto’t kagamitan o mga imitasyon upang maging “in” lamang sa mundo nating mapanghusga. Ngunit ang más mahalaga na dapat nating isipin ay ang pagsisikap na maging totoo at ‘di nagkukunwari sa ating panlabas na anyo. Hinahamon tayo ni Jesus na tingnan ang ating kalooban at tunay na hangarin na maiwasan na mahulog sa tukso ng pagpapaimbabaw at pagtataas ng sariling upuan. Iwasan nating magkunwaring mas banal pa tayo kaysa sa iba gaya ng mga Pariseo.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020