Ebanghelyo: Mateo 22:34-40
Narinig ng mga Pariseo na napatahimik ni Jesus ang mga Sadduseo, at sumang-ayon sila sa kanya. Kaya sinusubukan siya ng isa sa kanila na isang guro ng Batas sa tanong na ito: “Guro, ano ang pinakamahalagang utos ng Batas?” Sumagot si Jesus: “Mahalin mo ang Panginoon mong Diyos nang buo mong puso, nang buo mong kaluluwa at nang buo mong pag-iisip. Ito ang una at pinakamahalagang utos. Ngunit may ikalawa pa na tulad nito: Mahalin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili. Sa dalawang utos na ito nabubuod ang buong Batas at Mga Propeta.”
Pagninilay
Maliban sa Sampung Utos na nakasulat sa Biblya, mahalaga sa mga Judio ang mahigit anim na raang alituntunin na sinubukang pag- aralan, ituro, at isabuhay. Hindi ito madaling gawin, kaya hindi nakakapagtaka na may nagtanong kay Jesus kung alin dito ang pinakamahalaga. Nahihirapan din tayong pag-aralan ang Sampung Utos… kaya mo bang sabihin ang mga ito na hindi maghanap ng tulong? Kung hindi pa, magandang homework na ikabisado ang mga ito. Ang “Mahalin mo ang Panginoon mong Diyos” ay parang summary ng una hanggang sa pangatlo sa Sampung Utos. Ang “Mahalin mo ang iyong kapwa” ay summary naman ng ika-4 hanggang sa ika-10 utos. Nawa, simula ngayong araw na ito, sa bawat munting gawain natin maging klaro ang pasya nating sundin ang bagong turo ni Jesus: mahalin natin ang Diyos at ang ating kapwa.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020