Ebanghelyo: Juan 1:6-8, 19-28
May taong sugo ang Diyos – Juan ang kanyang pangalan. Dumating siya para sa pagpapatunay, para magpatunay tungkol sa Liwanag, upang makapanalig ang lahat sa pamamagitan niya. Hindi siya mismo ang Liwanag, kundi para magpatunay tungkol sa Liwanag. Ito ang pagpapatunay ni Juan nang papuntahin sa kanya ng mga Judio ang ilang mga pari at Levita mula sa Jerusalem para tanungin siya: “Sino ka?” Inako niya di ipinagkaila, inako nga niyang “Hindi ako ang Kristo.” At tinanong nila siya: “Ano ka kung gayon? Si Elias ka ba?” At sinabi niya: “Hindi.” “Ang Propeta ka ba?” Isinagot naman niya: “Hindi” Kaya sinabi nila sa kanya: “Sino ka ba? Para may maisagot kami sa mga nagpapunta sa amin. Ano ba ang masasabi mo tungkol sa ‘yong sarili?” Sumagot siya gaya ng sinabi ni Propeta Isaias: “Tinig ako ng isang sumisigaw sa disyerto: Tuwirin ang daan ng Panginoon.” May mga pinapunta mula sa mga Pariseo. At tinanong nila siya: “Eh, ba’t ka nagbibinyag kung hindi ikaw ang Kristo, ni si Elias, ni ang Propeta?” Sinagot sila ni Juan: “Sa tubig ako nagbibinyag ngunit may nakatayo sa piling ninyo na hindi n’yo kilala. Siya ang dumating na kasunod ko pero hindi ako karapat-dapat magkalag ng panali ng kanyang panyapak.” Sa Betaraba nangyari ang mga ito, sa kabilang-ibayo ng Jordan na pinagbibinyagan ni Juan.
Pagninilay
Batid ni Juan Bautista na ang kanyang tungkulin ay upang dalhin ang mga tao kay Kristo. Ito rin ang panawagan sa atin lalo na sa nalalapit na araw ng pagsilang ng ating dakilang Manunubos sa mundo. Sikapin nating isabuhay ang ating pananampalataya sa paraang magpapatotoo na buhay ang Diyos
ng Pag-ibig sa ating puso’t diwa. Batid ni Juan na ang kanyang pagbibinyag ‘lamang ng tubig’ ay isang paghahanda sa pagdating ng tunay na Tagapagligtas, si Jesus. At bininyagan tayo ni Jesus ng Banal na Espiritu upang manahan sa atin sa bawat sandali ng ating buhay.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020