Ebanghelyo: Lucas 11:15-26
Ngunit sinabi ng ilan sa kanila: “Pinalalayas niya ang mga ito sa tulong ni Beelzebul na pinuno ng mga demonyo.” Gusto naman ng iba na subukin si Jesus at humingi sila sa kanya ng isang tanda galing sa langit. Alam ni Jesus ang kanilang iniisip kaya sinabi niya sa kanila: “Mabubuwag ang bawat kahariang nagkakahatihati at magigiba roon ang mga sambahayan. Ngayon, kung nagkakahati-hati si Satanas, paano magtatagal ang kanyang kaharian? Di nga ba’t sinasabi ninyo na nagpapalayas ako ng mga demonyo sa tulong ni Beelzebul? Kung sa pamamagitan ni Beelzebul ako nagpapalayas ng mga demonyo, paano naman napalalayas ng inyong mga kaanib ang mga ito? Sila mismo ang nararapat sumagot sa inyo. Sa daliri ng Diyos ako nagpapalayas ng mga demonyo kaya sumapit na sa inyo ang kaharian ng Diyos. Kung sandatahang binabantayan ni Malakas ang kanyang palasyo, hindi magagambala ang kanyang mga pag-aari. Pero kung salakayin siya ng mas makapangyarihan sa kanya at talunin siya, maaagaw nito ang kanyang mga armas na kanyang inasahan at ipamamahagi ang kanyang mga ari-arian. Ang hindi panig sa akin ay laban sa akin, at ang hindi nagtitipong kasama ko ay nagpapangalat. Kapag lumabas sa tao ang maruming espiritu, nagpapalabuy- laboy ito sa mga lugar na walang tubig sa paghahanap ng pahingahan. Pero wala siyang natatagpuan at sinasabi niya: ‘Babalik ako sa inalisan kong tirahan.’ Pagdating niya, natatagpuan niya ito na nawalisan na at maayos pa. Kaya naghahanap siya at nagsasama ng pito pang espiritung mas masama pa kaysa kanya; pumapasok ang mga ito at doon tumitira. Kaya mas masama ang huling kalagayan ng taong iyon kaysa dati.”
Pagninilay
Ipinapakita sa ebanghelyo ang malungkot na katotohanan tungkol sa iilang mga tao na pilit na tinatanggihan ang dakilang kabutihan na ginagawa ni Jesus. Pinagbibintangan pa nila siyang ginagawa niya ang kabutihan sa ngalan ng demonyo. Mahirap unawain ang kanilang maling katuwiran, ngunit sadyang may mga taong bulag sa katotohanan at ayaw na nilang maging bukas pa sa pagbabago. Pinaaalahanan tayo ni Jesus na maging maingat at manatili sa kanyang panig upang patuloy tayong lumago sa ating buhay pananampalataya. Lumapit tayo sa kanya ng may pagpapakumbaba at humingi ng kanyang biyaya na maging bukas ang puso natin sa kabutihan dito sa mundo.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020