Ebanghelyo: Mateo 18:1-5, 10
Nang panahong iyon, lumapit kay Jesus ang mga alagad at tinanong nila siya: “Sino ang mas una sa kaharian ng Langit?” Tinawag ni Jesus ang isang maliit na bata at ipinagitna sa kanila, at sinabi: “Sinasabi ko sa inyo na hanggang hindi kayo nagbabago at nagiging katulad ng maliliit na bata hindi kayo makapapasok sa kaharian ng Langit. Ang nagpapakababa gaya ng maliit na batang ito, siya ang pinakamalaki sa kaharian ng Langit. At ang sinumang tumanggap sa batang ito dahil sa aking pangalan ay tumatanggap sa akin. Huwag sana ninyong hamakin ang isa sa maliliit na ito; talagang sinasabi ko sa inyo na laging nasa harap ng aking Ama sa Langit ang kanilang mga anghel sa Langit.
Pagninilay
Nakakalungkot isipin na napakaraming mga bata, saan mang dako sa mundo, mula noon hanggang ngayon ang pinagkaitan ng kanilang kabataan. Dahil sa kahirapan ng buhay, mga kaguluha’t digmaan at sa kawalan ng mga magulang ay napipilitan silang maghanap buhay sa mga kalye upang magbenta ng kahit anong kalakal, pati na rin ang katawan at kaluluwa nila upang makakain araw araw. Pinaaalala muli ni Jesus sa ebanghelyo ngayon na sa mata ng Diyos, ang mga bata ang siyang pinakamalaki sa kaharían ng langit at dapat lamang nating galangin at pahalagahan ang kanilang pagkatao dahil minsan lang silang bata.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020