Ebanghelyo: Juan 8:21-30
Sinabi Niyang muli sa kanila: “Aalis ako at hahanapin ninyo ako, at sa inyong kasalanan kayo mamamatay. Kung saan ako pupunta, hindi kayo makaparoroon.” Kaya sinabi ng mga Judio: “Magpapakamatay kaya Siya kaya Niya sinasabing ‘Kung saan ako pupunta, hindi kayo makaparoroon’?” At sinabi ni Jesus sa kanila: “Taga-ibaba kayo; tagaitaas naman ako. Taga-mundong ito kayo. Hindi ako tagamundong ito. Kaya sinabi ko sa inyo na sa inyong mga kasalanan kayo mamamatay. Sa inyong mga kasalanan nga kayo mamamatay kung hindi kayo maniniwalang Ako Siya. At sinabi nila sa Kanya: “Sino ka ba?” sinabi naman sa kanila ni Jesus: “Ba’t pa kaya ako mangungusap sa inyo? “Marami akong masasabi at mahuhukuman tungkol sa inyo. Totoo nga ang nagpadala sa akin; at ang narinig ko mula sa Kanya – ang mga ito ang sinasabi ko sa mundo.” Hindi nila naintindihan na ang Ama ang tinutukoy Niya. At sinabi ni Jesus: “Kapag itinaas ninyo ang Anak ng Tao, maiintindihan ninyong Ako Siya at wala akong ginagawa sa ganang sarili ko kundi ayon sa ini-aral sa akin ng Ama – ang mga ito ang aking sinasabi. Kasama ko nga ang nagpadala sa akin at hindi Niya ako iniiwang nag-iisa pagkat lagi kong ginagawa ang mga kalugud-lugod sa Kanya.” Habang sinasabi ito ni Jesus, marami ang nanalig sa Kanya.
Pagninilay
Ipinahayag ni Jesus ang kanyang kamatayan at sigurado na ang kanyang patutunguhan: siya ay babalik sa Ama. At binabalaan niya ang mga Judio ng kanilang kapalaran kung mananatili sila sa kanilang kawalan ng pananampalataya. Siya ay nagsasalita na may diin at lakas ng loob tanda ng kanyang pagtitiwala sa Ama. Dahil dito, marami ang sumampalataya. Habang papalapit tayo upang gunitain ang kamatayan ni Jesus, hayaan nating tanungin ang ating sarili: tayo ba ay lumago sa ating pananampalataya sa Diyos? Ipinakita sa atin ni Jesus ang daan patungo sa Ama. Ang ating karanasan sa pananampalataya ay maaaring, paminsan-minsan, ay nababalot ng pagkabalisa, pagkalito, o pagdurusa Ngunit dapat tayong matuto mula kay Jesus. Magkaroon tayo ng lubos na pagtitiwala sa Ama, tiwala na anuman ang mangyayari, hindi tayo iiwanan ng Diyos. Habang inaalala natin ang pagpapakasakit ni Kristo, pag-aralan natin na pakawalan ang anumang bagay na naglalayo sa atin na magkaroon ng lubos na pakikipag-ugnayan sa Diyos.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020