Ebanghelyo: Juan 6:35–40
Sinabi ni Jesus sa mga tao: “Ako siyang tinapay ng buhay. Hinding-hindi magugutom ang lumalapit sa akin at hinding-hindi mauuhaw kailanman ang nananalig sa akin. Pero sinabi ko sa inyo: nakita n’yo, at hindi naman kayo naniniwala. Lalapit sa akin ang bawat ibinibigay sa akin ng Ama, at hinding-hindi ko ipagtatabuyan sa labas ang lumalapit sa akin. Sapagkat pumanaog ako mula sa Langit hindi para gawin ang aking kalooban kundi ang kalooban ng nagpadala sa akin. Ito ang kalooban ng nagpadala sa akin: na huwag kong pabayaang mawala ang bawat ibinigay niya sa akin; sa halip ay itatayo ko ito sa huling araw. Ito nga ang kalooban ng Ama ko: magkakaroon ng buhay magpakailanman ang bawat pumapansin sa Anak at nananalig sa kanya, at itatayo ko siya sa huling araw.”
Pagninilay
Ang mga salitang binitiwan ni Jesus ngayon ay nagpapatunay lamang ng kanyang tunay na katauhan o pagkakilanlan – Siya ay ang tinapay ng buhay. Si Jesus na nga ang matagal na nating hinihintay na siyang papawi sa ating pagkagutom at matinding pagkauhaw na nararanasan sa ating buhay. Ipinadala si Jesus sa sanlibutan upang tayo ay makinig at maniwala sa kanyang mga salita. Ang sinumang nananalig at naniniwala sa kanya ay nananalig at naniniwala rin sa Amang Lumikha. At ang sinumang lumapit kay Jesus ng may pananampalataya ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan. Nawa ang mga salitang ating napakinggan kay Jesus ay magsilbing paalaala sa atin na tanging sa kanya lamang matatagpuan ang buhay na walang hanggan.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020