Pebrero 06, 2020
Ebanghelyo: Marcos 6:7-13 Naglibot si Jesus sa mga nayon sa paligid sa kanyang pagtuturo. At tinawag niya ang Labindalawa at sinimulang isugo sila nang dala-dalawa. Binigyan niya sila ng kapangyarihan sa mga maruming espiritu. At sinabihan niya silang huwag magdala ng anuman para sa paglalakbay kundi tungkod lamang. Walang pagkain, walang pitaka o pera sa sinturon. Nakasandalyas at may isang damit lang. At sinabi niya sa kanila: “Pagtuloy ninyo sa isang bahay, manatili kayo roon hanggang sa pag-alis ninyo mula roon. Kung may lugar na hindi tatanggap o makikinig sa inyo, umalis kayo roon at ipagpag ang alikabok sa inyong mga paa bilang sakdal sa kanila.” At pag-alis nila, ipinangaral nila ang pagbabalik-loob. Maraming demonyo ang kanilang pinalayas at marami ring maysakit ang pinagaling nila sa pagpapahid ng langis.
Pagninilay
Posible bang pumunta sa isang misyon nang walang pagkain, damit o pera? Sa panahong ito, kapag naglalakbay kami upang magsagawa ng mga seminar, recollection o retreat, nagdadala kami ng hindi lamang mga personal na gamit pati na rin ng laptop, projector, gitara, at iba pa. Ang mga hinihingi ni Jesus ay tila hindi praktikal at hindi makatao. Mas binibigyang diin ni Jesus ang kahalagahan ng mga misyonerong gawain nang higit sa materyal na mga bagay. Tinuturo niya na huwag kumapit sa materyal na mga bagay, pati na rin sa mga papuri sa hindi pagtanggap ng mga tao. Ang pangangaral, pagpapalayas ng mga demonyo, at pagpapagaling sa mga maysakit ay mas mahalaga kaysa sa malugmok sa masasakit na karanasan dulot ng pagwawaksi. Isang hamon din ang hinihiling niya sa atin na ilagay ang ating pagtitiwala sa kanyang patnubay at inspirasyon habang isinasakatuparan natin ang misyonerong gawain.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020