Ebanghelyo: Marcos 6:1-6
Pagkaalis ni Jesus sa lugar na iyon, pumunta Siya sa Kanyang bayan, kasama ng Kanyang mga alagad. Nang sumapit ang Araw ng Pahinga, nagsimula siyang magturo sa sinagoga. Namangha silang lahat at nagsabi: “Ano’t nangyari sa Kanya ang lahat ng ito? Saan kaya galing ang karunungang ito na ipinagkaloob sa Kanya, at saan din kaya galing ang mga himalang ito na nagagawa ng Kanyang mga kamay? Di ba’t Siya ang karpintero? Ang anak ni Maria at kapatid nina Jaime, Jose, Simon at Judas? Hindi ba’t narito sa piling natin ang lahat Niyang kapatid na babae?” At bulag sila tungkol sa Kanya. Sinabi naman sa kanila ni Jesus: “Sa Kanyang sariling bayan lamang, sa sariling kamag-anakan at sambahayan hinahamak ang isang propeta.” At hindi Niya nakayang gumawa ng himala roon. Ilang maysakit lamang ang pinagaling Niya sa pagpapatong ng kamay. At namangha Siya sa kawalan nila ng paniniwala.
Pagninilay
Ang pagwawaksi o hindi pagtanggap, lalo na ng ating sariling mga kamag-anak at mga kababayan, ay maaaring maging isang masakit na karanasan. Kung ang isang tao ay hindi maingat, ito ay maaaring humantong sa depresyon, na kapag hindi nagamot ng tama, ay maaaring humantong sa pagkawala sa katinuan o pagpapakamatay. Si Jesus ay winaksi rin. Bagama’t kinikilala ng mga tao ang kanyang karunungan at kapangyarihan na makagawa ng mga himala, hindi nila siya matanggap dahil sa kanyang pamilya. Ang kanilang mga bias at pagtatangi ay bumulag sa kanila, kaya hindi nila makilala ang pag-ibig ni Jesus para sa kanila. Ngunit hindi nito pinigilan si Jesus sa pagtupad ng kanyang misyon ng pangangaral at pagpapagaling. Determinado siyang sundin ang kalooban ng Ama sa kabila ng kanilang mga pagwawaksi. Sinabi ni Jesus, “Ang aking pagkain ay ang sundin ang kalooban ng nagsugo sa akin at tapusin ang kanyang gawain” (Juan 4:34). Paano ko matatanggap ang mga pagwawaksi sa buhay ko?
© Copyright Pang Araw-Araw 2020