Ebanghelyo: Lucas 1:26-38
Sa ikanim na buwan, isinugo ng Diyos ang Anghel Gabriel sa isang bayan ng Galilea na tinatawag na Nazaret. Sinugo ito sa isang birhen na ipinagkasundo na sa isang lalaking nagngangalang Jose mula sa sambahayan ni David; at Maria naman ang pangalan ng birhen. Pumasok ang anghel at sinabi sa Kanya: “Matuwa ka, O puspos ng grasya, sumasaiyo ang Panginoon.” Nabagabag naman si Maria dahil sa pananalitang ito at pinagwari kung ano ang pagbating ito. At sinabi ng anghel sa Kanya: “Huwag kang matakot, Maria, dahil may magandang niloloob ang Diyos para sa iyo. At ngayo’y maglilihi ka at manganganak ng isang lalaki na pangangalanan mong Jesus. Magiging dakila Siya at tatawagin siyang Anak ng Kataas-taasan, at ibibigay sa Kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng Kanyang ninunong si David. Maghahari Siya sa angkan ni Jacob magpakailanman; talaga ngang walang katapusan ang Kanyang paghahari.” Sinabi ni Maria sa anghel: “Paanong mangyayari ito gayong di ako ginagalaw ng lalaki?” At sumagot sa Kanya ang anghel: “Papanaog sa iyo ang Espiritu Santo at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataas-taasan kaya magiging banal ang isisilang at tatawaging Anak ng Diyos. At nagdalantao naman ngayon ang pinsan mong si Elizabeth sa kabila ng Kanyang katandaan, at siyang itinuturing na baog ay nasa ikaanim na buwan na. Wala ngang imposible sa Diyos.” Sinabi naman ni Maria: “Narito ang utusan ng Panginoon, mangyari nawa sa akin ang iyong sinabi.” At nilisan Siya ng anghel.
Pagninilay
Ang Kapistahan ng Pagpapahayag ng Magandang Balita tungkol sa Panginoon ay nagsasabi na anumang dalisay na relihiyon ay nangangailangan ng isang buhay at palagiang pakikipag-usap sa pagitan ng Diyos at tao. Sa Pista na ito, pinahayag ng Diyos, sa pamamagitan ng anghel, ang kanyang huling Salita kay Maria upang ang mga salita na pinahayag sa kasaysayan ng Israel ay matupad. Sa kapistahang ito, mayroong pakikipag-usap na nais ang Ama na magkaroon para sa bawat isa sa atin. Ang daloy ng kasaysayan at ang katuparan ng plano ng Diyos ay nangangailangan ng pakikipagtulungan ng tao. Ang karanasan ni Maria ay nagbibigay-diin sa katotohanang ito para sa bayan ng Diyos. Sa “oo” ni Maria bilang tugon sa imbitasyon ng Diyos, sumunod ang dramatikong pagbabago sa buhay nating lahat. Araw araw, ipinapahayag ng Diyos ang kanyang mabuting balita sa mga pangyayari sa ating buhay. Nais ng Diyos ang isang “oo” mula sa atin upang sundin ang kanyang kalooban: upang matulungan ang isang kaibigan, patawarin ang isang tao, o aliwin ang nalulumbay. Sa mga pagkakataong ito, nawa’y laging sumagot tayo sa mga salita ni Maria, “Narito, ako ang lingkod ng Panginoon, gawin mo sa akin ayon sa kalooban mo”.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020