Ebanghelyo: Juan 4:43-54
Pagkatapos ng dalawang araw, umalis siya roon pa- Galilea. Nagpatunay nga mismo si Jesus na hindi pinararangalan ang propeta sa sariling bayan. Gayon paman, pagdating niya sa Galilea, tinanggap siya ng mga Galileo dahil nasaksihan nila ang lahat ng ginawa niya sa Piyesta sa Jerusalem. Naroon nga rin sila mismo sa Piyesta. Nagpunta siyang muli sa Kana ng Galilea, doon niya ginawang alak ang tubig. At nangyari, na ang anak na lalaki ng isang opisyal ng hari ay maysakit sa Capernaum. Nang marinig niyang dumating si Jesus sa Galilea galing Judea, pinuntahan niya siya at ipinakiusap na lumusong at pagalingin ang kanyang anak na nasa bingit ng kamatayan. Kaya sinabi sa kanya ni Jesus: “Hangga’t hindi kayo nakakakita ng mga tanda at mga kababalaghan, hindi kayo maniniwala.” Sinabi naman sa kanya ng opisyal: “Lumusong kayo bago mamatay ang anak ko.” At sinabi sa kanya ni Jesus: “Makauuwi ka na. Buhay ang anak mo.” Naniwala ang tao sa salitang sinabi sa kanya ni Jesus at umuwi siya. At habang palusong na siya, sinalubong siya ng kanyang mga alipin at sinabing buhay ang anak niya. Inalam niya sa kanila ang oras nang magsimula siyang umigi, at sinabi nila: “Kahapon po nang ala-una ng tanghali siya inibsan ng lagnat.” Kaya nalaman ng ama na ito ang oras nang sabihin sa kanya ni Jesus: “Buhay ang anak mo.” At naniwala siya at ang buo niyang sambahayan. Ginawa ni Jesus ang ikalawang tandang ito pagkarating niya sa Galilea galing Judea.
Pagninilay
“Humayo ka, buhay ang iyong anak”. Tiyak na naramdaman ni Jesus ang desperasyon at pagmamahal ng opisyal para sa kanyang anak. Pilit niyang inanyayahan si Jesus na sumama sa kanya upang iligtas ang buhay nito. Dahil dito, pinamalas ni Jesus ang kanyang himala ng pagpapagaling kahit hindi pa nakikita ang tatanggap. Nanalig ang opisyal sa salita ni Jesus at siya ay sumampalataya. Dahil sa kanyang malalim na pagmamahal sa kanyang anak, lumapit siya kay Jesus, at sumampalataya dahil sa mahabagin at mapagmahal na pagkilos ni Jesus. Sa maraming okasyon, ang tao kapag nagigipit ay nahuhulog sa maraming maling mga desisyon. Ang ilan ay nakagagawa ng pagnanakaw, pagpatay, at pagkitil ng sariling buhay. Huwag nating kalimutan na kay Jesus, mayroon tayong Diyos na handang dumamay at nariyan sa ating tabi. Sa mga sandali ng kadiliman at pangungulila, inaanyayahan tayong lumapit sa Kanya. Maging ang masasamang bagay ay maaaring maging pagkakataon para ipakita ng Diyos ang kanyang pagmamahal sa atin. Tulad ng opisyal, huwag tayong mag-atubiling lumapit kay Jesus at manalig na maaari Niyang gawing posible kahit na ito’y tila imposible.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020