Ebanghelyo: Lucas 18:9-14
Sinabi rin ni Jesus ang talinghagang ito tungkol sa ilang taong kumbinsido na mabuti sila at minamata naman ang iba: “Dalawang tao ang umakyat sa Templo para manalangin: Pariseo ang isa at publikano naman ang isa pa. Nakatayong nananalanging mag-isa ang Pariseo. Sinabi Niya: ‘O Diyos, salamat at hindi ako gaya ng ibang mga tao – mga magnanakaw, mandaraya, nakikiapid, o gaya ng kolektor ng buwis na iyan. Dalawang beses akong nag-aayuno isang linggo, nagbibigay ako ng ikapu sa lahat kong ari-arian.’ Nasa likuran naman ang kolektor ng buwis at hindi man lang makatingala sa langit. Dinadagukan Niya ang dibdib sa pagsasabing ‘O Diyos, kaawaan mo ako na isang makasalanan.’ Sinasabi ko sa inyo na ito ang umuwing nasa grasya ng Diyos ngunit hindi ang isa. Sapagkat ibababa ang lahat ng nagpapakataas at itataas naman ang nagpapakababa.”
Pagninilay
Sa talinhagang ito tungkol sa panalangin, pinansin ni Jesus ang postura ng lalaki habang siya ay nananalangin. Siya ay nanatili sa malayo, ayaw itingin ang mata sa langit at dinadagukan ang kanyang dibdib na nagpapakita ng kanyang pisikal at espirituwal na postura. Alam ng lalaki kung sino siya at kung saan siya nakatayo sa harapan ng Panginoon. Siya ay isang makasalanan. Kaya humarap siya Diyos nang may kababaang-loob at katapatan. Hindi siya nag-aalok ng mga dahilan para sa kanyang mga ginawa at para sa kanyang buhay. Naging tapat siya sa harap ng Diyos at humingi ng kapatawaran. Ipinaaalala sa atin ng Panginoong Jesus na maging mapagpakumbaba at taos-puso sa ating ugnayan sa Ama: maging mapagpakumbaba na kilalanin kung sino talaga tayo sa harap niya, at taos-puso sa pagharap sa Kanya. Mahalaga sa Diyos na makita sa gawa ang ating mga saloobin. Pinapakita nito kung sino tayo at kung anong uri ng mga Kristiyano tayo sa iba.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020