Ebanghelyo: Juan 3:1-8
May isang taong kabilang sa mga Pariseo – Nicodemo ang pangalan niya – pinuno siya ng mga Judio. Isang gabi, pinuntahan niya si Jesus at sinabi sa kanya: “Rabbi, alam namin na guro kang galing sa Diyos. Sapagkat walang makagagawa ng mga tandang ginagawa mo kung hindi sumasakanya ang Diyos.” Sumagot si Jesus sa kanya: “Talagang-talagang sinasabi ko sa iyo, walang makakakita sa paghahari ng Diyos kung hindi siya isisilang na muli mula sa itaas.” Sinabi sa kanya ni Nicodemo: “Paano maisisilang ang isang taong matanda na? Di ba’t hindi siya makapapasok sa sinapupunan ng kanyang ina para isilang uli?” Sumagot si Jesus: “Talagang-talagang sinasabi ko sa iyo, walang makapapasok sa kaharian ng Diyos kung hindi siya isisilang mula sa tubig at Espiritu. Laman ang isinilang mula sa laman, at espiritu ang isinilang mula sa Espiritu. Huwag kang magtaka dahil sinabi ko sa iyong kailangan kayong isilang mula sa itaas. Umihip ang hangin kung saan nito nais, at naririnig mo ang ihip nito pero hindi mo alam kung saan ito galing at kung saan ito patungo. Gayon din nga ang bawat isinilang mula sa Espiritu.”
Pagninilay
Ang ebanghelyo ngayon ay nagbibigay sa atin ng napakahalagang impormasyon tungkol sa pagigi nating tagasunod ni Jesus. Sinumang nagnanais na sumunod sa kanya ay dapat na mabinyagan sa tubig at espiritu. Ang tubig ay simbolo ng buhay at ang espiritu naman ay simbolo nang paggabay ng Espiritu Santo sa ating pananampalataya. Bilang mga katoliko ang pagbibinyag ay isang palatandaan na tayo ay sa Diyos na, na tayo ay pagmamay-ari na ng Diyos. Sa binyag tayo ay nagiging mga miyembro ng Simbahang Katoliko, kung saan kinikilala natin na si Jesus ay ang tunay na Anak ng Diyos na ipinangako para sa sanlibutan. Siya ay ipinadala ng Ama upang iligtas tayo sa ating mga kasalanan. Winika ni Jesus sa ebanghelyo ang kahalagahan ng binyag sapagkat pinapahayag nito ang ating tungkulin at pagkakakilanlan – na tayo ay mga anak ng Diyos. Bilang mga sumusunod kay Jesus, nawa tayo ay lalo pang pagtibayin sa tulong ng Espiritu Santo upang maging isang ganap at tunay na naglilingkod sa Diyos sa pamamagitan Niya.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020