Ebanghelyo: Mateo 18:21-35
Nagtanong naman si Pedro: “Panginoon, gaano kadalas ko naman dapat patawarin ang mga pagkukulang ng aking kapatid? Pitong beses ba?” Sumagot si Jesus: “Hindi, hindi pitong beses kundi pitumpu’t-pitong beses. Tungkol sa kaharian ng Langit ang kasaysayang ito. Isang hari ang nagpasyang pagbayarin ng utang ang Kanyang mga utusan. Nang simulan Niyang suriin ang kuwenta, iniharap sa Kanya ang isang may utang na sampung libong baretang ginto. Dahil walang maibayad sa Kanya ang tao, iniutos ng panginoon na ipagbili at maging alipin Siya kasama ng Kanyang asawa, mga anak at mga ari-arian bilang bayadutang. At nagpatirapa sa paanan ng hari ang opisyal at sinabi: ‘Bigyan mo pa ako ng panahon, at babayaran kong lahat ang utang ko.’ Naawa sa Kanya ang hari at hindi lamang Siya pinalaya kundi kinansela pa ang Kanyang utang. Pagkaalis ng opisyal na ito, nasalubong Niya ang isa sa Kanyang mga kasamahan na may utang namang sandaang barya sa Kanya. Sinunggaban Niya ito sa leeg at halos sakalin habang sumisigaw ng ‘Bayaran mo ang utang mo!’ Nagpatirapa sa paanan Niya ang Kanyang kasamahan at nagsabi: ‘Bigyan mo pa ako ng panahon, at babayaran kong lahat ang utang ko sa iyo.’ Ngunit tumanggi Siya at ipinakulong ito hanggang makabayad ng utang. Labis na nalungkot ang iba nilang kapwa-lingkod nang makita ang nangyari. Kaya pinuntahan nila ang kanilang panginoon at ibinalita ang buong pangyayari. Ipinatawag naman Niya ang opisyal at sinabi: ‘Masamang utusan, pinatawad ko ang lahat ng iyong utang nang makiusap ka sa akin. Di ba dapat ay naawa ka rin sa iyong kasamahan gaya ng pagkaawa ko sa iyo?’ Galit na galit ang panginoon kaya ibinigay Niya ang Kanyang utusan sa mga tagapagpahirap hanggang mabayaran nito ang lahat ng utang.” Idinagdag ni Jesus: “Ganito rin ang gagawin sa inyo ng aking Ama sa Langit kung hindi patatawarin ng bawat isa sa inyo mula sa puso ang Kanyang kapatid.”
Pagninilay
Mahirap patawarin ang isang taong nagkasala sa atin. Tulad ng isang kuwentong napanood ko sa U-tube. Ang nagsalaysay ay isang mama. Maliit pa raw siya nang ang kanyang ama ay umalis sa kanilang tahanan at sumama sa kanyang kalaguyo. Nakita ng batang ito ang paghihirap ng kanyang ina mula nang sila ay iwan ng kanyang ama. Namalimos sila, nakitira sa mga kaibigan at kamag anak, tumanggap ang kanyang ina ng maraming trabaho para siya’y makapag-aral. Sa kalaunan naging matagumpay siyang mangangalakal. Nagbunga ang kanilang pagsisikap ngunit hindi siya mapakali na hindi buo ang kanilang pamilya. Hinanap niya ang kanyang ama. Nagtagumpay siya pero maysakit na ito at iniwan na ng kanyang kinakasama. Ipinagamot n’ya ang kanyang ama at ibinili pa ng condominium. Nang umalis siya ng bansa para sa isang “business transaction” pumanaw ang kanyang ama. Pero maluwag ang kalooban na pinatawad niya ang kanyang ama bago ito nalagutan ng hininga. Ang pagpapatawad ay nakakalubag damdamin. Tayong lahat ay nagkakasala ngunit pinatatawad tayo ng Diyos. Kaya hamon din sa atin ang magpatawad sa mga nagkakasala sa atin.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020