Ebanghelyo: Lucas 4:24-30
Sinabi ni Jesus: “Talagang sinasabi ko: walang propetang katanggap-tanggap sa sarili niyang bayan. Tinitiyak ko sa inyo na maraming babaeng balo noon sa kapanahunan ni Elias nang sarhan ang langit sa loob ng tatlo’t kalahating taon at nagkaroon ng matinding taggutom sa buong lupain. Gayon pa ma’y hindi ipinadala si Elias sa isa man sa kanila kundi sa babaeng balo ng Sarepta sa may Sidon. Marami ring may ketong sa Israel sa kapanahunan ni Propeta Eliseo pero wala sa kanilang pinagaling kundi ang Siriong si Naaman.” Napuno ng galit ang lahat sa sinagoga pagkarinig dito, tumindig sila at ipinagtulakan siya sa labas ng bayan. Dinala nila siya sa gilid ng burol na kinatatayuan ng kanilang bayan para ihulog. Ngunit dumaan siya sa gitna nila at umalis.
Pagninilay
Ang kwento sa ebanghelyo ay may kinalaman at kaugnayan sa kuwento sa Lumang Tipan. Ang kuwento tungkol sa babaeng balo ng Sarepta ay matutunghayan sa Unang Aklat ng mga Hari (Kapitulo 17) kung saan nabanggit na si Elias ay ipinadala ng Panginoon sa isang balo nang panahon ng tagtuyot sa Israel. Bagamat hindi hudyo ang balo, naniwala siya sa kapangyarihan ng Diyos sa pamamagitan ni Elias na nangakong di sila mauubusan ng pagkain. Si Elias na rin ang nagpagaling sa anak ng balo na nagkasakit. Ito rin ang kuwento ni Naaman na matutunghayan naman sa 2 Hari (Kapitulo 5). Bagamat hindi hudyo, naniwala siya na gagaling sa pamamagitan ni Eliseo na ginamit ng Diyos. Gumaling siya sa kanyang ketong na sa= panahong iyon ay hindi kapanipaniwala. Ang dalawang Gentil na ito ang pinuri ni Jesus sa ebanghelyo dahil sa kanilang pananampalataya kaya nagalit ang kanyang mga kababayan at gusto siyang ihulog sa bangin. Maraming misyonero ang isinugo ng Diyos sa ating bansa upang ipakilala si Kristo. Ang Pilipinas ay napakaswerte dahil nadala rito ang pananampalatayang Kristiyano. Masasabi kaya natin na tayo ay lubos na umaasa at nananalig sa Diyos? Totoong napakarami nating debosyon pero ang hinihingi ng Diyos sa atin ay aksyon. Kung haharap si Jesus sa atin ngayon, ano kaya ang kanyang sabihin?
© Copyright Pang Araw-Araw 2020