Ebanghelyo: Mateo 28:8-15
Agad nilang iniwan ang libingan na natatakot at labis na nagagalak, at tumakbo sila para balitaan ang kanyang mga alagad. Nakasalubong nila sa daan si Jesus at sinabi niya: “Kapayapaan.” Paglapit sa kanya ng mga babae, niyakap nila ang kanyang mga paa at sinamba siya. Sinabi naman ni Jesus sa kanila: “Huwag kayong matakot. Humayo kayo at sabihin sa aking mga kapatid na pumunta sila sa Galilea; doon nila ako makikita.” Samantalang pabalik ang mga babae, nagbalik naman sa lunsod ang ilang mga bantay at ibinalita sa mga punong-pari ang lahat ng nangyari. Nakipagusap naman ang mga ito sa mga Matatanda ng bayan kaya kumuha sila ng sapat na halaga at ibinigay sa mga sundalo, at tinagubilinan silang “Sabihin ninyong dumating nang gabi ang kanyang mga alagad at ninakaw ang katawan habang natutulog kayo. Kung mabalitaan ito ng gobernador, kami ang bahala sa kanya at hindi kayo magkakaproblema.” Tinanggap ng mga sundalo ang pera at ginawa ang itinuro sa kanila; at laganap pa hanggang ngayon ang kuwentong ito sa mga Judio.
Pagninilay
Ang Muling Pagkabuhay ni Jesus ay isang tanda ng kanyang pagiging Diyos, na kahit ang kamatayan ay walang kapangyarihan sa kanya. Ang Muling Pagkabuhay ni Jesus ay nagpatatag sa ating lahat sapagkat naisakatuparan ang lahat ng plano ng Diyos. Nabigyang din ng kalinawan ang mga turo ni Jesus at ang tunay na pagkakilanlan natin sa kanya. Bilang mga Katoliko, ang Muling Pagkabuhay ni Jesus ay isang pangyayari na hindi natin matatagpuan sa ibang relihiyon. Nagpapahiwatig lamang na si Jesus nga ang tunay na Diyos at tanging siya lamang ang may hatid na Mabuting Balita para sa lahat. Natupad ang mga salita ni Jesus nang siya’y muling nabuhay. Ito ay tanda rin ng ating tagumpay laban sa ating mga kaaway. Nagpapaalala sa mga turo ni Jesus na maging matatag at manalig sa kanyang mga winika. Nawa’y maging paalaala sa ating lahat ang mabuting ginawa ni Jesus upang di tayo mawala sa landas tungo sa ating Amang nasa Langit.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020