Ebanghelyo: Juan 13:1-15
Ngayon, bago magpiyesta ng Paskuwa, alam ni Jesus na dumating na ang kanyang oras para tumawid mula sa mundong ito tungo sa Ama; sa pagmamahal niya sa mga sariling kanya na nasa mundo, minahal niya sila hanggang kaganapan. Naghahapunan sila at naisilid na ng diyablo sa kalooban ni Judas na anak ni Simon Iskariote na ipagkanulo siya. Alam naman ni Jesus na ipinagkaloob ng Ama sa kanyang mga kamay ang lahat, at mula sa Diyos siya galing at sa Diyos siya pabalik. Kaya tumindig siya mula sa hapunan at hinubad ang panlabas na damit, at pagkakuha ng tuwalya ay ibinigkis sa sarili. Pagkatapos ay nagbuhos siya ng tubig sa hugasan, at sinimulang hugasan ang mga paa ng mga alagad at punasan ng tuwalyang nakabigkis sa kanya. Nang lumapit siya kay Simon Pedro, sinabi nito sa kanya: “Panginoon, ikaw ba ang maghuhugas sa aking mga paa?” Sumagot si Jesus: “Hindi mo alam ngayon ang ginagawa ko pero mauunawaan mo makaraan ang mga ito.” Sinabi sa kanya ni Pedro: “Hinding-hindi mo kailanman huhugasan ang aking mga paa.” Sumagot si Jesus sa kanya: “Kung hindi kita huhugasan, hindi ka makababahagi sa akin.” Sinabi sa kanya ni Simon Pedro: “Panginoon, hindi lamang ang mga paa ko kundi pati na ang mga kamay at ulo.” Sinabi sa kanya ni Jesus: “Mga paa lamang ang kailangang hugasan ng naligo na dahil malinis na ang buo niyang sarili. Malinis nga kayo pero hindi lahat.” Alam ni Jesus ang magkakanulo sa kanya. Dahil dito kaya niya sinabing: “Hindi lahat kayo’y malinis.” Kaya nang mahugasan niya ang kanilang mga paa, kinuha niya ang kanyang panlabas na damit at bumalik sa hapag, at sinabi niya sa kanila: “Nauunawaan n’yo ba ang ginawa ko sa inyo? Tinatawag n’yo akong ‘Guro’ at ‘Panginoon.’ At tama ang pagsasabi ninyo: ako nga. Kaya kung hinugasan ko ang inyong mga paa, akong Panginoon at Guro, gayundin kayo dapat maghugasan ng mga paa ng isa’t isa. Isang halimbawa ang ibinigay ko sa inyo upang gawin din ninyo gaya ng ginawa ko sa inyo.
Pagninilay
“Nauunawaan n’yo ba ang ginawa ko sa inyo?” Isang tanong na napapanahon. Hindi lamang para sa mga alagad, pati na rin sa atin ngayon. Tulad ni Pedro, gusto nating magpasikat kay Jesus. Ilang rosaryo na ang nadasal ko. Ilang oras na ang naitulong ko sa simbahan, sa tahanan, at sa pamayanan. Ilang ulit na akong naglingkod sa mga kapus-palad. Binibilang natin ang ating mga nagawa, naiambag, naitulong at iba pa. Ngayon, ang wika ni Jesus, “gayundin kayo dapat maghugasan ng mga paa sa isa’t isa.” Si Jesus ay naging mabuting halimbawa, hindi lamang sa salita pati na rin sa gawa. Ang paghuhugas niya ng paa ng mga alagad ay napakalalim na tanda nang kapakumbabaan. Guro Siya. Ngunit hindi niya ginamit ang kanyang kapangyarihan upang ipakilalang siya ay mas higit pa sa mga alagad. Pinakita niya ang kanyang kapangyarihan sa paglilingkod. Ganito rin sana tayo. Mauunawaan lamang natin ang mga gawain nating pangkabanalan kung ito ay tulad ng ginawa ni Jesus. Tayo’y maghugasan ng paa sa isa’t isa. Hubarin natin ang ating pagmamataas at matuto tayong magpakumbaba. Sa ganitong paraan, makikita natin na kailangan natin ang isa’t isa.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020