Ebanghelyo: Lucas 15:1-3, 11-32*
Lumapit kay Jesus ang lahat ng kolektor ng buwis at mga makasalanan para makinig. Kaya nagbulungbulungan ang mga Pariseo at mga guro ng Batas: “Tinatanggap niyan ang mga makasalanan at nakikisalo sa kanila.” Kaya sinabi ni Jesus ang talinhagang ito sa kanila: Sinabi pa rin ni Jesus: “May isang taong may dalawang anak na lalaki. Sinabi ng bunso sa kanyang ama: ‘Itay, ibigay na ninyo sa akin ang parte ko sa mana.’ At hinati sa kanila ng ama ang ari-arian. Pagkaraan ng ilang araw, tinipon ng bunsong anak ang lahat ng kanya at naglakbay sa malayong lupain. Doon niya winaldas ang sa kanya sa maluwag na pamumuhay. Nang maubos na ang lahat sa kanya, nagkaroon ng matinding taggutom sa lupaing ’yon at nagsimula siyang maghikahos. Kaya pumunta siya at namasukan sa isang tagaroon, at inutusan siyang magalaga ng mga baboy sa bukid nito. (…) Noon siya natauhan at nag-isip: ‘(…) Titindig ako, pupunta sa aking ama, at sasabihin ko sa kanya: ‘Itay, nagkasala ako laban sa langit at sa harap mo. Hindi na ako karapat-dapat pang tawaging anak mo; ituring mo na akong isa sa iyong mga arawan.’ Kaya tumindig siya papunta sa kanyang ama. Malayo pa siya nang matanaw ng kanyang ama at naawa ito, patakbo nitong sinalubong ang anak, niyakap at hinalikan. Sinabi sa kanya ng anak: ‘Ama, nagkasala ako laban sa langit at sa harap mo; hindi na ako karapat-dapat pang tawaging anak mo.’ Pero sinabi ng ama sa kanyang mga utusan: ‘Madali, dalhin ninyo ang dati niyang damit at ibihis sa kanya; suutan ninyo ng sinsing ang kanyang daliri at ng sapatos ang kanyang mga paa. Dalhin at katayin ang pinatabang guya, kumain tayo at magsaya sapagkat namatay na ang anak kong ito at nabuhay, nawala at natagpuan.’ At nagsimula silang magdiwang. (…) Nagalit ang panganay at ayaw pumasok kaya lumabas ang ama at nakiusap sa kanya. Sumagot naman siya sa ama: ‘Maraming taon na akong nagsisilbi sa inyo at kailanma’y di ko nilabag ang inyong mga utos pero kailanma’y di ninyo ako binigyan ng kahit na isang kambing na mapagpipiyestahan namin ng aking mga kabarkada. Ngunit dumating lamang ang anak ninyong ito na lumustay sa inyong kayamanan sa mga babaeng bayaran, at ipinakatay pa ninyo ang pinatabang guya.’ Sinabi sa kanya ng ama: ‘Anak, lagi kitang kasama at sa iyo rin ang lahat ng akin. Pero dapat lamang na magdiwang at magsaya dahil namatay na ang kapatid mo at nabuhay, nawala at natagpuan’.”
Pagninilay
Ang pagkakasala ay nangyayari sa lahat. Mula noong nilalang ang tao, binigyan siya ng karapatang pumili ng landas niya sa buhay. Maaari niyang piliin ang landas patungo sa kadiliman o kasamaan na tinatawag na pagkakasala o ang landas patungo sa liwanag o kabutihan na tinatawag na pagpapakabanal. Ang gumawa ng di mabuti ay kadalasang mas madali kaysa paggawa ng kabutihan kaya’t maraming tao ang napapasama. Sa kabutihang palad, may Diyos tayong puno ng pang-unawa at kusang nagpapatawad. Ito ang nilalaman ng ating unang pagbasa at ipinapahiwatig sa ebanghelyo. Lagi rin itong ipinapaalala ni Papa Francisco, “Our God is a God of mercy and compassion”. Hamon ito sa mga nagkakasala na magbalik loob sa Diyos, ngunit lalong hamon ito sa mga nagpapakabanal na maging maawain at maunawain sa mga naliligaw sa tamang landas. Kung ang Diyos ay maawain at tayo ay nilalang na kawangis ng Diyos, di kaya karapat-dapat na mapagpatawad din tayo tulad ng ating Diyos?
© Copyright Pang Araw-Araw 2020