Ebanghelyo: Mateo 21:33-43, 45-46
Makinig kayo sa isa pang halimbawa: May isang may-ari ng bahay na nagtanim ng ubasan; binakuran ang paligid nito, humukay para sa pisaan ng ubas, at nagtayo ng toreng bantayan. Pinaupahan Niya ang ubasan sa mga magsasaka at naglakbay sa malayo. Nang malapit na ang panahon ng anihan, pinapunta ng may-ari ang Kanyang mga katulong sa mga magsasaka para kubrahin ang Kanyang bahagi sa ani. Ngunit sinunggaban ng mga magsasaka ang Kanyang mga katulong, binugbog ang isa, pinatay ang iba at binato ang ilan. Nagpadala uli ang may-ari ng marami pang katulong pero ganoon din ang ginawa ng mga magsasaka sa kanila. Sa bandang huli, ipinadala na rin Niya ang Kanyang anak sa pag-aakalang ‘Igagalang nila ang aking anak.’ Ngunit nang makita ng mga magsasaka ang anak, inisip nilang ‘Ito ang tagapagmana. Patayin natin Siya at mapapasaatin ang Kanyang mana.’ Kaya sinunggaban nila siya, at pinalayas sa ubasan at pinatay. Ngayon, pagdating ng may-ari ng ubasan, ano ang gagawin Niya sa mga magsasaka?” Sinabi nila sa Kanya: “Hindi Niya kaaawaan ang masasamang taong iyon; pupuksain Niya ang mga iyon at pauupahan ang ubasan sa ibang magsasakang magbibigay ng Kanyang kaparte sa anihan.” At sumagot si Jesus: “Hindi ba ninyo nabasa sa Kasulatan? ‘Naging panulukang bato ang tinanggihan ng mga tagapagtayo. Gawa ito ng Panginoon; at kahanga-hanga ang ating nakita.’ Kaya sinasabi ko sa inyo: aagawin sa inyo ang kaharian ng Diyos at ibibigay sa isang bayang makapagpapalago nito. Nang marinig ng mga punong-pari at mga Pariseo ang mga talinghagang ito, naunawaan nila na sila ang pinatutungkulan ni Jesus. Huhulihin na sana nila Siya ngunit natakot sila sa mga tao na kumikilala sa Kanya bilang propeta.
Pagninilay
Malaki talaga ang nagagawa ng inggit sa buhay ng tao. Kapag ang laman ng puso ay inggit maaari itong humantong sa pagkitil sa buhay ng tao. Nakakalimutan ang pagkakapatiran at pagkakaisa kung inggit ang namamayani sa puso. Sa tindi ng inggit, hindi na kinikilalang kapatid ang kapatid o= amo ang isang amo. Maging asawa ay maaaring ipakulong, ipapatay o itakwil ng dahil sa selos o inggit. Marahil ang pangyayaring binabanggit sa mga pagbasa ngayon ay nagaganap din sa ating mga pamilya, parokya o komunidad. Ang mga pagbasang ito ay isinulat hindi upang tularan natin ang mga pangyayari kundi upang tayo ay hamuning magnilay. Sa halip na mainggit sa kapwa, kapatid o katrabaho, pagnilayan natin at tanggapin ang mga talentong ibinigay sa atin ng Diyos. Ano ang mga kakayahang meron ako na pwede kong gamitin para pagsilbihan ko ang aking pamilya at kapwa tao? Paano ko gamitin ang mga kakayahang ito para sa simbahan? At kung tayo ay naiinggit, magdasal tayo ng dasal pasasalamat para sa taong ating kinaiinggitan.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020