Ebanghelyo: Lucas 16:19-31
May isang mayaman na nakabihis ng magarang damit at pinong lana at parang piyesta ang Kanyang buhay sa araw-araw. Nakahandusay naman sa may pintuan Niya ang isang dukhang nagngangalang Lazaro. Tadtad Siya ng mga sugat at gusto sana Niyang kainin ang mumong nahuhulog sa hapag ng mayaman; sa halip ay mga aso ang lumalapit sa Kanya at hinihimuran ang Kanyang mga sugat. At namatay ang dukha at dinala Siya ng mga anghel sa piling ni Abraham. Namatay rin naman ang mayaman at inilibing. Nang nasa impiyerno na siya, tumingala Siya sa Kanyang pagdurusa at natanaw sa malayo si Abraham at si Lazaro sa piling nito. Kaya sumigaw siya: ‘Amang Abraham, maawa ka sa akin at utusan mo naman si Lazaro na isawsaw Niya sa tubig ang dulo ng Kanyang daliri para paginhawahin ang aking dila dahil lubha akong naghihirap sa lagablab na ito.’ Sumagot si Abraham: ‘Anak, alalahanin mong tinanggap mo na sa buhay mo ang mabuti sa iyo at kay Lazaro naman ang masasama. Kaya Siya ngayon ang nasa ginhawa at ikaw ang nagdurusa. At isa pa’y malawak na kabundukang di matatawid ang itinakda sa pagitan natin. Kaya hindi makatatawid ang mga may gustong pumunta riyan galing dito, at hindi rin naman makatatawid ang mula riyan papunta rito.’ Sumagot ang mayaman: ‘Kaya ipinakikiusap ko sa iyo, Ama, na papuntahin mo si Lazaro sa bahay ng aking ama, kung saan naroon ang lima kong kapatid para babalaan sila upang di sila mapunta sa lugar na ito ng pagdurusa.’ Sumagot si Abraham: ‘Nasa kanila si Moises at ang mga propeta, makinig sila sa mga ito.’ Sinabi Niya: ‘Hindi gayon, Amang Abraham; kung isa sa mga patay ang pupunta sa kanila, magsisisi sila.’ Sinabi ni Abraham: ‘Kung hindi nila pakikinggan si Moises at ang mga propeta, bumangon man ang isa sa mga patay ay hindi pa rin sila maniniwala’.”
Pagninilay
Sa unang pagbasa, inihahambing ang mga taong nagtitiwala sa Diyos at ang mga hindi. Alam natin ang hitsura ng tigang na lupa. Ito ay matigas, pangit, at di tinutubuan ng halaman. Parang ganito raw yong tumatalikod kay Yahwe. At ang sumusunod kay Yahwe ay katulad ng halamang malago dahil ito ay natutubigan araw araw. Berde ang mga dahon ng halaman, buhay na buhay. Kung sa tao, masiglang masigla at masaya. Nabigyan ng buhay ang paghahalintulad na ito sa ebanghelyo kung saan isinalaysay ang kuwento ng isang mayamang nagpakasaya dito sa mundo sa lahat ng bagay, sa pagkain, sa pananamit, sa malimit na pamimiyesta sa kanyang tahanan at pag imbita sa mga kaibigang mayayaman din. Ni hindi pinansin si Lazaro na nakaupong naghihintay na mahulog ang mumo ng pagkain. Sa kanilang kamatayan, sa baba ang bagsak ng mayaman at sa itaas naman si Lazaro na kasama sina Abraham. Nakiusap ang mayaman na sana pabalikin si Lazaro sa lupa para bigyang babala ang kanyang mga kapatid pero sabi ni Abraham, malamang hindi nila paniwalaan si Lazaro dahil di rin naman sila naniniwala sa mga buhay na tagapagturo nila. Ang Diyos ay nagbibigay sa atin ng mga gabay, mga tagaturo, tagapamuno, tagapagpaalala sa atin kung papaano tayo mabuhay bilang kanyang mga anak. Nasa sa atin na ang desisyon. Iisa ang buhay natin, iisa ang pagkakataon, sasayangin pa ba natin?
© Copyright Pang Araw-Araw 2020