Ebanghelyo: Juan 13:21-33, 36-38
Nabagabag ang kalooban ni Jesus, at nagpatunay: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo: ipagkakanulo ako ng isa sa inyo.” Nagtinginan ang mga alagad at pinagtatakhan kung sino ang tinutukoy niya. Nakahilig sa tabi ni Jesus ang isa sa kanyang mga alagad, ang mahal ni Jesus. (…) Kaya paghilig niya sa tabi ni Jesus, sinabi niya sa kanya: “Panginoon, sino ba iyon?” Sumagot si Jesus: “Siya iyong ipagsasawsaw ko ng kapirasong tinapay at siya kong bibigyan.” At pagkasawsaw ng kapirasong tinapay, ibinigay niya iyon kay Judas, anak ni Simon Iskariote. Kasunod ng kapirasong ito, pumasok sa kanya si Satanas. Kaya sinabi sa kanya ni Jesus: “Magmadali ka sa gagawin mo.” (…) Kaya pagkakuha niya sa kapirasong tinapay, agad siyang lumabas. Gabi noon. Pagkalabas ni Judas, sinabi ni Jesus: “Niluwalhati na ngayon ang Anak ng Tao, at niluwalhati rin sa kanya ang Diyos. At agad naman siyang luluwalhatiin ng Diyos sa sarili nito. Mga munting anak, sandali na lamang n’yo akong kasama. (…) ‘Kung saan
ako papunta, hindi kayo makaparoroon.’ Sinabi sa kanya ni Simon Pedro: “Panginoon, saan ka papunta?” Sumagot si Jesus: “Hindi ka makasusunod ngayon sa akin saan ako papunta; susunod ka pagkatapos.” Winika sa kanya ni Pedro: “(…) Maiaalay ko ang aking buhay alang-alang sa iyo.” Sumagot si Jesus: “Iaalay mo ang buhay mo alangalang sa akin? Talagang-talagang sinasabi ko sa iyo, hinding-hindi titilaok ang tandang hanggang makaitlo mo akong maitatuwa.”
Pagninilay
Naranasan mo na bang ipagkanulo ng taong iyong pinagkatiwalaan? Di ba nakakalungkot at masakit sa damdamin? Paano pa kaya si Jesus na siyang pumili kay Hudas? Ano ang naging kapalit ng pagtitiwalang ito? ilang pirasong pilak. Kapag mas pinaiiral natin ang kasamaan, natatabunan nito ang kabutihan at dumidilim ang kalooban. Mas pinili ni Hudas na ipagkanulo si Jesus, ang taong kumalinga sa kanya. Hanggang saan madadala ni Hudas ang kanyang mga pilak? Marahil ay napagtanto niya na higit na malaki ang nawala sa kanya nang mas pinili niya ang pilak kaysa kay Jesus. Binagabag siya ng kanyang budhi kaya kinitil niya ang kanyang sariling buhay. Pinutol niya ang pakikipag-ugnayan kay Jesus na humirang at nagtiwala sa kanya. Ganoon din tayo. Pinapatay natin ang ugnayan natin sa Diyos. Nalilimutan natin na ang Diyos ay mapagpatawad at ipinagkatiwala Niya sa atin ang ating buhay. Hindi ba dapat suklian natin ito ng kagandahang-loob? Pakaingatan at pagyamanin natin ang buhay natin para sa ikalalago ng ating pamumuhay bilang mga anak ng Diyos.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020