Ebanghelyo: Juan 12:1-11
Anim na araw bago mag-Paskuwa, pumunta si Jesus sa Betania, na kinaroroonan ni Lazaro na pinabangon ni Jesus mula sa mga patay. Kaya naghanda sila roon ng hapunan para sa kanya. Nagsilbi si Marta at kabilang naman sa mga kasalo niya ay si Lazaro. Kinuha si Maria ang isang librang mamahaling pabangong mula sa purong nardo at pinahiran ang mga paa ni Jesus at pinunasan ng kanyang buhok ang mga paa niya. At napuno ng halimuyak ng pabango ang pamamahay. Sinabi ni Judas Iskariote na isa sa kanyang mga alagad na siyang magkakanulo sa kanya: “Ano’t di ipinagbili nang tatlundaang denaryo ang pabangong ito para maibigay sa mga dukha.” Sinabi niya ito hindi dahil may malasakit siya sa mga dukha kundi dahil magnanakaw siya; nasa kanya ang bulsa ng pananalapi at nangungupit siya sa inilalagay doon. Kaya sinabi ni Jesus: “Pabayaan mo siya’t inilaan niya ito para sa araw ng paglilibing sa akin. Kasama ninyong lagi ang mga dukha ngunit hindi n’yo ako laging kasama.” Marami sa mga Judio ang nakaalam na naroon siya. At dumating sila hindi dahil lamang kay Jesus kundi para makita si Lazaro na pinabangon niya mula sa mga patay. Pinag-usapan naman ng mga punong-pari ang pagpatay pati na kay Lazaro, pagkat marami sa mga Judio ang lumilisan dahil sa kanya at nananalig kay Jesus.
Pagninillay
Nakikita ba natin ang mukha ni Jesus sa mga dukha? Mga dukhang laging ibinabantayog ng ilang mga pulitiko upang maluklok lamang sa puwesto. Tulad ni Hudas Iskariote, namumutawi lamang sa kanilang bibig ang mga mababangong salita na kanilang ipaglalaban ang karapatang ng mga mahihirap. Ngunit kapag nasa puwesto na sila ay nagiging ganid na sa kapangyarihan. Ipinakita ni Maria ang kanyang karukhaan sa pamamagitan ng pagpapahid ng pabango at pagpunas sa paa ni Jesus. Hindi naman naging mapanghusga si Jesus kay Hudas Iskariote. Sa halip, pinaalalahanan pa niya si Hudas na nagkanulo sa kanya. Para na ring sinasabi ni Jesus: “Nalalapit na ang aking kamatayan at ako ay di na ninyo makakasama. Subalit ang mga dukha na lagi ninyong kasama ay patuloy ninyong tulungan.” Makikita natin ang mukha ng Diyos sa mga dukha. Kung tapat tayong maglingkod gaya ng paglilingkod ni Jesus, tapat din nating paglilingkuran ang mga taong walang kakayahang maipagtanggol ang kanilang sarili. Sila ang mga taong hinahamak ng lipunan at salat sa pagmamahal.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020