Ebanghelyo: Lucas 4:14-22
Nagbalik si Jesus sa Galilea na taglay ang kapangyarihan ng Espiritu at lumaganap sa buong kapaligiran ang balita tungkol sa Kanya. Kinaugalian Niyang magturo sa kanilang mga sinagoga, at pinupuri Siya ng lahat.
Pagdating Niya sa Nazaret, kung saan Siya lumaki, pumasok Siya sa sinagoga sa Araw ng Pahinga ayon sa Kanyang kinaugalian. Tumindig Siya para bumasa ng Kasulatan, at iniabot sa Kanya ang aklat ni Propeta Isaias.
Sa paglaladlad Niya sa rolyo, natagpuan Niya ang lugar kung saan nasusulat: “Sumasaakin ang Espiritu ng Panginoon kaya’t pinahiran Niya ako upang ihatid ang mabuting balita sa mga dukha. Sinugo Niya ako upang ipahayag ang paglaya sa mga bilanggo, sa mga bulag ang pagkabawi ng paningin, upang bigyang-ginhawa ang mga api, at ipahayag ang taon ng kabutihang-loob ng Panginoon.” Binilot ni Jesus ang aklat, ibinigay ito sa tagapaglingkod at naupo. At nakatuon sa Kanya ang mga mata ng lahat ng nasa sinagoga. Sinimulan Niyang magsalita sa kanila: “Isinakatuparan ang Kasulatang ito ngayon habang nakikinig kayo.” At sumang-ayon silang lahat sa Kanya habang nagtataka sa gayong pagpapahayag ng kabutihang-loob ng
Diyos na nanggaling sa Kanyang bibig. At sinabi nila: “Hindi ba’t ito ang anak ni Jose?”
Pagninilay
Pamilyar tayo sa sikat na kasabihang, “Huwag mong ipagpabukas kung ano ang maaari
mong gawin para sa ngayon.” Sinabi ng mang-aawit, “Ngayon kung naririnig mo ang tinig ng Panginoon, huwag mong patigasin ang iyong puso …” (Awit 95:8). Ang mga alalahanin tungkol sa ating mga nagawa at mga pag-aalala kung ano ang hinaharap para sa atin ay maaaring magdulot
upang hindi natin makita ang mga pagkakataong inaalok sa atin sa kasalukuyan. Sinabi ni Jesus sa ebanghelyo na ang mga propetikong
salita ay nangyayari habang nakikinig tayo sa kanila. Ang Panginoon ay nagsasalita sa atin sa pamamagitan ng Banal na Kasulatan. Inirerekomenda
ng Inang Simbahan ang “… Lectio divina, isang mapanalanging pagbabasa ng Bibliya at masigasig na pag-aaral nito. Sapagkat hindi dapat mangyari na ang sinuman ay magiging ‘walang laman na mangangaral ng Salita ng Diyos sa iba, ni hindi tagapakinig ng Salita sa kanyang puso’ “(Dei Verbum, n.25).
© Copyright Pang Araw-Araw 2020