Ebanghelyo: Mateo 5:20-26
Sinasabi ko sa inyo na kung hindi mas ganap ang inyong kabanalan kaysa sa mga guro ng Batas at mga Pariseo, hinding-hindi kayo makapapasok sa Kaharian ng Langit. Narinig na ninyo na sinabi sa inyong mga ninuno: Huwag kang papatay; ang sinumang pumatay ay lilitisin. Sinasabi ko naman sa inyo: Ang sinumang magalit sa Kanyang kapatid ay lilitisin. Ang sinumang manuya sa Kanyang kapatid ay lilitisin sa Sanggunian. At ang sinumang manghiya sa Kanyang kapatid ay nararapat lamang itapon sa apoy ng impiyerno. Kaya sa paglalagay mo sa altar ng iyong hain at naalaala mong may reklamo sa iyo ang kapatid mo, iwan mo muna ang iyong hain sa harap ng altar at puntahan mo ang iyong kapatid para makipagkasundo sa Kanya. At saka ka bumalik at ialay ang iyong hain sa Diyos. Makipagkasundo na sa iyong kaaway habang papunta pa kayo sa hukuman, at baka ipaubaya ka Niya sa hukom na magpapaubaya naman sa iyo sa pulisya na magkukulong sa iyo. Talagang sinasabi ko sa iyo: hindi ka makalalabas hangga’t di mo nababayaran ang kahuli-hulihang sentimo.
Pagninilay
Maraming gabay ang ibinigay ni Moses at ng mga propeta sa Israel sa Lumang Tipan upang ang mga tao ay manatili sa piling ng Diyos. Ngunit sa kalaunan ay naging panlabas lamang ang pagtupad sa mga bilin ni Moses na pinangungunahan ng ibang Pariseo. Kaya’t noong panahon ni Jesus sa Bagong Tipan, pinalalim niya ang ibig sabihin ng mga utos ni Moses. Hindi sapat na ang isang tao ay hindi pumatay. May pinanggagalingan ang pagpatay. Pumapatay ang isang tao dahil sa poot, galit, o sama ng loob. Kaya para kay Jesus hindi sapat ang kautusang “huwag pumatay”. Iwasan ang magalit dahil ito ang puno’t dulo ng patayan. Kung may kagalit, pag-usapan ng mahinahon at magpatawad sa isa’t isa. Sa gayon, maiwasan ang karumal-dumal na patayan na hahantong sa bilangguan. Ang hamon ni Jesus ay kung may kagalit ka, buksan ang puso at kausapin ng mahinahon ang kagalit mo. Sana nga.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020