Ebanghelyo: Mateo 6:7-15
Pag mananalangin kayo, huwag kayong magsalita nang magsalita gaya ng ginagawa ng mga pagano; naniniwala nga sila na mas pakikinggan sila kung marami silang sinasabi. Huwag kayong tumulad sa kanila. Alam ng inyong Ama ang mga pangangailangan ninyo bago pa man kayo humingi.
Kaya, ganito kayo manalangin: Ama naming nasa Langit, sambahin ang Ngalan mo, dumating ang Kaharian mo, sundin ang loob mo dito sa lupa para nang sa Langit. Bigyan mo kami ngayon ng aming kakanin sa arawaraw, patawarin mo ang aming mga pagkakautang gaya ng pagpapatawad namin sa mga nagkakautang sa amin. Huwag mo kaming dalhin sa tukso, at iligtas mo kami sa Masama. Kung patatawarin ninyo ang mga nagkasala sa inyo, patatawarin din kayo ng inyong Amang nasa Langit. At kung hindi ninyo patatawarin ang mga nagkasala sa inyo, hindi rin kayo patatawarin ng inyong Ama.
Pagninilay
Magandang bigyan natin ng pansin ang unang pagbasa na mula kay Isaias. Ito ay isang paghahambing sa ulan at niyebe na nanggagaling sa itaas,
bumabagsak sa lupa upang lumago ang mga halaman na nagbibigay ng pagkain at gamot sa katawan. Ganito kahalaga ang ulan, ang tubig. Alam nating lahat ito dahil naranasan natin ang pagkakaroon ng ulan at ng pagkakaroon ng tagtuyot. Ano kaya kung magtatagal na walang ulan?
Paano kaya ang ating mga tanim, ang mga gulayan, mga palayan, mga hardin? Mabuti nga sa panahon natin, may mabibiling mga de lata at
processed food. Noong panahon ni Isaias wala pang mga ganito. Kaya malakas ang dating ng paghahambing na ginawa ni Isaias. Kung dinidiligan
ng ulan ang mga halaman upang lumago at mamunga, ganoon din ang Salita ng Diyos na nakakarating sa atin. Pandilig ito sa ating
kaisipan at kamalayan upang lalong tumibay ang ating pag asa, pagdarasal, pagtulong sa sarili at sa kapwa tao. Ang Salita ng Diyos ay makapangyarihan. Nakapagpapabago ng landas sa buhay kung ito’y seryosohing basahin, pagnilayan, pag-aralan at hayaang ang Diyos ang magsalita naman.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020