
Matapos ang palitan ng “God is good! Siyempre!” at “All the time! Grabe!” sa pagitan ni Bro. Mark at ng mga tagapakinig niya, hinimok ng una na sabihin ng bawat isa sa katabi niya ang, “Kapatid, blessing ka!” At sinimulan niya ang kanyang paksa.
Wika niya, ang pagtatalaga ay hindi na bago. Noong may boy o girl friend o ikinasal ang ilan sa atin, ang friendship na iyon, sapagkat kasama ang Diyos, ay isang commitment, pag-akô ng, o pagtalaga sa, relasyon. Ibig sabihin, inalam natin ang gusto ng kaibigan natin at, katulad ng ating relasyon sa Diyos, naglaan tayo ng oras sa kanya, tulad ng paglalaan natin ng panahon sa Panginoon. At ipinukol niya ang tanong, “Kapatid, holy ka na ba? O nahuli na?” Napuno ang simbahan ng masiglang tawanan. At sinimulan ni Bro. Mark ang acrostic ng commitment.
Christ o church ang letter C.
Openness o obedience to God’s will ang letrang O.
Motivation, ang ikatlong letra, ay kailangan upang mag-ibayo ang paglilingkod sa Diyos.
Ministry ang pangalawang M.
Initiative ay mahalagang sangkap sa serbisyo.
Time para sa at kasama si Lord.
Mission, at hindi obligasyon, ang pagiging banal at pagpapabanal sa kapwa.
Empathy, o paglalagay ng sarili sa damdamin ng kapwa, ay kawing ng pagkakasundo at unawaan.
Newness, pagiging laging bago, hindi numbness, o pagkamandid, upang patuloy ang lugod sa paglilingkod.
Transformation na bunga ng commitment. At sinuma ni Bro Mark ang sampung letra sa service actualized, o serbisyo mismo. Saka niya binanghay ang information, formation, transformation bilang mga sangkap na magkakakonekta at hindi maaaring paghiwalayin sa pagsasakatuparan ng tunay na pagsisilbi.
Sa pagbabalik ni Fr. Jerome, inulit niya ang drill na “God is good.” Sariwa pa si Bro. Mark sa isip ng mga tagapakinig kaya ang tugon ng audience ay “Siyempre!” Na sanhi upang tumawa si Padre at itama ang sagot ayon sa kanyang template. Kung kanina, aniya, ay ingredients ang tinalakay ni Bro Mar, discipleship naman ang kanyang hihimayin. Inihalintulad niya ang pagiging disipulo sa pagtatanong na kapag hindi makasagot ang tinanong ay palalabasin ng nagtanong sapagkat ang pagsunod sa Diyos ay hindi madali at isang sakripisyo na kailangan ang personal na desisyon at pangakong pag-akô.
Ibinato ni Padre ang unang tanong, “Bakit mo gustong mag-serve?” Sagot ni Ate Sonie, isang lector, “Para magbasa (ng salita ng Diyos). Biro ni Fr. Jerome, “Wee!” Na agad niyang binawi sa salitanong, “Sa loob ng 3 taon, bakit hindi ka tumigil? Na siya rin ang sumagot, “Kasi, parang di buo ang araw mo kung titigil ka. Dahil ang commitment as a lector ay may lalim. Ang service ko ay 6:30 pero may “Probinsyano” o labada. Mas maganda sigurong unahin ko ang Diyos, gaya ng sinabi ni Kristo, “Hayaan mong ilibing ng patay ang kanilang bangkay.” At inamin niyang silang mga pari ay nagagalak kapag nakikita nila ang mga naglilingkod sa Diyos, na nagbubunsod upang ibulong nila sa Kanya, “Panginoon, ipagkaloob Mo ang anumang hiling ng kanilang puso.” Muli niyang tinanong ang publiko, “Pag naglilingkod kayo, itinataas nyo ba ang inyong mga hinanakit? Kasi, pag naglilingkod kayo, ang ginagamit nyo ay ang inyong puso bilang alay sa puso ng Panginoon, gaya ng pag-aalay ng mga disipulo ng kanilang buhay para sa pananalig. At kung mahal mo ang ginagawa mo, babalik at babalik ka rin.” Saka niya ipinalabas sa screen ang prosa ni San Ignacio ng Loyola tungkol sa pagsunod kay Kristo. Sabi ni Fr. Jerome, “Recruits are fruits, ang mga santo ay naging makasalanan din, unti-unting nagbago, dahil ang nakikita ay si Kristo, hindi si Cristy!” At pinutol ang seryosong sandali ng masiglang tawanan.
“Ang galing mong magbasa,” pagpapatuloy ni Padre. “Baka gusto mong mag-collector?” Tawanan uli. “Nakakatuwa, ang dami na natin, pero mas maganda kung may nakaupo na sa itaas (ang choir loft ang tiningnan at tinukoy niya). Ang pagparito nyo sa simbahan ay pagtugon sa tawag ni Kristo, lahat tayo ay (sisidlang) walang laman, pantay-pantay. Ang pagiging disipulo ay pagkilala kay Kristo nang labis, pagmamahal sa Kanya nang mas mainit, pagsunod sa Kanya nang mas malapit, pagsisilbi sa Kanya nang mas tapat. Saludo at palakpakan para sa mga di bumibitaw kahit may kahirapan, kahit di maganda ang napapakinggan, sapagkat hindi si Fr. o sinupaman ang pinaglilingkuran, kundi ang Diyos.”
Ikinwento niya ang isang karanasan sa Malaysia noong siya ay naging Missionary of Mercy. May isang babaeng guro na laging nagsisimba sa parokya. May nagbulong sa kanya na ang guro ay isang prinsipal din at pinagpipitagan dahil hindi lang palasimba kundi nagpapasundo pa sa maysakit, at pinapaliguan pa niya ito. Ang ginang ay may-asawa at 5 anak, may trabaho at walang pinipiling gawain sa simbahan. Nang itanong niya rito kung bakit, ganito ang sagot ng babae: “Simple lang po, Padre. Nang maglingkod ako bilang lector, ipinakita sa akin ng Diyos ang kahulugan ng sakripisyo. Na lahat ng ating serbisyo ay para sa Kanya, gaano man kahirap, dahil ibinigay Niya ang Kanyang buhay para sa atin. Bakit hindi ako?”
“Kung mahal natin ang ating ginagawa, ” sabi ni Fr. Jerome, “iyon at tayo ay mamumunga. At matatanggal natin sa ating katawan ang “sin of appropriation” o ang pagiging di kontento, katulad nina Eba at Adan.” Dagdag pa niya, “Alam kong malaki at marami ang inyong mga dalahin, pero gawin ninyong priyoridad si Kristo. Gaya ni Mother Teresa, gawin nating pamumuhay ang paglilingkod. Naging sentro ng buhay publiko ni Kristo ang paghubog sa Kanyang mga disipulo kaya gusto kong magkita-tayo nang ganito. Para sa mga kaganapan at bagong pananaw sa paglilingkod, hindi lamang para sa sermon ni Padre kundi para rin sa mga kwento ng mga “sinesermonan”.
“Sabi sa John 8:31, ‘Kung tinutupad ninyo ang Aking aral, kayo nga’y tunay na alagad ko’. Kaya, ituring ninyong inyo ang simbahan. Kapag nakakita kayo ng konting kalat, angkinin ninyo, pulutin, gaya ng gagawin nyo sa sariling tahanan. Upang ang parokya ay maging simbahanan.
“Ang pagsisilbi ay grasya. Hindi ‘Naku, bakit dito pumasok yan? Disgrasya! Batu-bato sa langit,” kanyang inulit, “ang tamaan, mabukulan!” Tawanan.
“Ang ibig sabihin ng ministro ng pagsasalo, lumalago ang pananampalataya. Tayong lahat ay magkakapatid, hindi man sa dugo, sa paglilingkod man lang. Huwag nating hayaang ang kapatid sa pananalig, sa halip na pagkagaling sa simbahan ay fresh ay maging depressed.” Amen.
