Ebanghelyo: Juan 1:1-18
Sa simula’y naroroon na nga ang Wikang Salita, at naroroong kaharap ng Diyos ang Salita, at Diyos ang Salita. Naroroon na nga siyang kaharap ng Diyos sa simula. Sa pamamagitan Niya nayari tanang mga bagay, at hiwalay sa Kanya’y walang anumang nayari. Ang Niyari ay sa Kanya nagkabuhay, at ang buhay ang liwanag para sa mga tao. Nagningning sa karimlan ang liwanag at di ito nasugpo ng karimlan. May taong sugo ang Diyos – Juan ang Kanyang pangalan. Dumating Siya para sa pagpapatunay, para magpatunay tungkol sa Liwanag, upang makapanalig ang lahat sa pamamagitan Niya. Hindi Siya mismo ang Liwanag, kundi para magpatunay tungkol sa Liwanag. Pagkat paparating noon sa mundo ang Liwanag na totoo na siyang nagliliwanag sa bawat tao. Nasa mundo na nga siya, ang mundong nayari sa pamamagitan Niya, at di naman Siya kinilala ng mundo. Sa sariling Kanya Siya dumating at hindi Siya tinanggap ng mga Kanya. Ngunit sa lahat ng tumanggap sa Kanya sa pananalig sa Kanyang Pangalan, binigyang-kakayahan nga Niya sila na maging mga anak ng Diyos. Ipinanganak nga sila, hindi mula sa dugo, ni mula sa kagustuhan ng laman, ni sa kagustuhan ng lalaki kundi mula sa Diyos. At naging laman ang Wikang-Salita, at itinayo ang Kanyang Tolda sa atin, at nakita natin ang Kanyang Luwalhati, Luwalhating mula sa Ama na bagay sa bugtong na Anak, lipos ng Kagandahang-loob at Katotohanan. Nagpapatunay sa Kanya si Juan at isinisigaw: “Siya ang sinabi kong ‘Nauna na sa akin ang dumating na kasunod ko, pagkat bago ako’y Siya na’.” Mula sa Kanyang kapuspusan nga tumanggap tayong lahat – oo, abutabot na kagandahang-loob. Sa pamamagitan ni Moises ibinigay ang Batas, sa pamamagitan naman ni Jesucristo dumating ang Kagandahang-loob at Katotohanan. Kailanma’y walang sinumang nakakita sa Diyos; ang Diyos na Anak na bugtong siyang nasa kandungan ng Ama – ang nagpahayag sa Kanya.Pagninilay
Kakaiba ang ginawang “belen” ng mga seminaristang Claretiano sa Ormoc noong taong iyon kung saan maraming mga pamilya ang lumikas upang manirahan sa mga evacuation centers sanhi ng malakas na lindol at bagyo. Si Jose, Maria at ang sanggol na si Jesus ay matatagpuan sa loob ng isang payag sa gitna ng iba pang mga tents sa evacuation centers. Sa makabagong “belen”, tunay ngang nanaisin pa rin ng Diyos na isilang ang Kanyang Anak sa isang payak na payag, sa gitna ng kadiliman at lamig ng gabi. Tunay ngang ang isinilang ngayon ay ang Emmanuel, “ang Diyos na sumasaatin.” Kaagapay at karamay Siya sa bawat hirap at sakit. Kamanlalakbay natin Siya sa ating buhay. Ang biyaya ng Pasko ay ang biyaya ng Kanyang presensya. Tunay ngang nagkatawang tao ang Salita, “at itinayo ang Kanyang Tolda sa atin.© Copyright Pang Araw-Araw 2019