Ebanghelyo: Lucas 1:39-45
Nang mga araw ring iyo’y nagmamadaling naglakbay si Maria papunta sa isang bayan sa mataas na lupain ng Juda. Pumasok Siya roon sa bahay ni Zacarias at binati si Elizabeth. Nang marinig ni Elizabeth ang bati ni Maria, sumikad ang sanggol sa sinapupunan Niya, at napuspos ng Espiritu Santo si Elizabeth at malakas siyang sumigaw at sinabi: “Lubos kang pinagpala sa kababaihan. Pinagpala rin ang bunga ng iyong sinapupunan! Sino nga ba naman ako’t naparito sa akin ang ina ng aking Panginoon? Nang umabot sa aking pandinig ang iyong pagbati, sumikad sa tuwa ang sanggol sa aking sinapupunan. Pinagpapala ang naniniwalang magaganap ang mga sinabi sa Kanya ng Panginoon.Pagninilay
Ang awit ng papuri ni Maria, ang malakas na sigaw ni Isabel, ang pagsikad ng sanggol na si Juan sa sinapupunan ng Kanyang ina; lahat ng ito ay dulot ng labis na kagalakan sa mabuti at dakilang bagay na ginawa ng Diyos. Ang pagdalaw ni Maria kay Isabel ay pakikipagtagpo rin sa sanggol na Jesus sa Kanyang sinapupunan. Tayo ma’y dinadalaw ni Maria at ng Kanyang sanggol. Ang awit ng papuri ni Maria ay Siya rin nating himig. Nakikilala ba natin ang mga dakilang bagay na ginawa ng Diyos sa ating buhay? Bukas ba ang ating mga mata sa araw-araw na pagdalaw ni Jesus sa ating buhay? Labis rin ba ang ating kagalakan? Tulad ni Maria, halina’t patuloy na dakilain ng ating kaluluwa ang Panginoon!© Copyright Pang Araw-Araw 2019