Ebanghelyo: Lucas 1:26-38
Sa ikanim na buwan, isinugo ng Diyos ang Anghel Gabriel sa isang bayan ng Galilea na tinatawag na Nazaret. Sinugo ito sa isang birhen na ipinagkasundo na sa isang lalaking nagngangalang Jose mula sa sambahayan ni David; at Maria naman ang pangalan ng birhen. Pumasok ang anghel at sinabi sa Kanya: “Matuwa ka, O puspos ng grasya, sumasaiyo ang Panginoon.” Nabagabag naman si Maria dahil sa pananalitang ito at pinagwari kung ano ang pagbating ito. At sinabi ng anghel sa Kanya: “Huwag kang matakot, Maria, dahil may magandang niloloob ang Diyos para sa iyo. At ngayo’y maglilihi ka at manganganak ng isang lalaki na pangangalanan mong Jesus. Magiging dakila Siya at tatawagin siyang Anak ng Kataas-taasan, at ibibigay sa Kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng Kanyang ninunong si David. Maghahari Siya sa angkan ni Jacob magpakailanman; talaga ngang walang katapusan ang Kanyang paghahari.” Sinabi ni Maria sa anghel: “Paanong mangyayari ito gayong di ako ginagalaw ng lalaki?” At sumagot sa Kanya ang anghel: “Papanaog sa iyo ang Espiritu Santo at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataas-taasan kaya magiging banal ang isisilang at tatawaging Anak ng Diyos. At nagdalantao naman ngayon ang pinsan mong si Elizabeth sa kabila ng Kanyang katandaan, at siyang itinuturing na baog ay nasa ikaanim na buwan na. Wala ngang imposible sa Diyos.” Sinabi naman ni Maria: “Narito ang utusan ng Panginoon, mangyari nawa sa akin ang iyong sinabi.” At nilisan Siya ng anghel.Pagninilay
Sa pagbigkas natin ng “Sumasampalataya” sa loob ng Misa lalo’t higit sa Araw ng Pagsilang, tayo’y lumuluhod at sumandaling nananahimik sa bahagi ng “lalang ng Espiritu Santo…” Sa gitna ng katahimikan, sinasariwa natin ang tagpong ito na nilukuban ng Espiritu Santo si Maria at ipinagdalang-tao si Jesus. Isang mahalagang tagpo sa kasaysayan ng ating kaligtasan ang pagkakatawang tao ni Jesus at ito ay naganap sa pakikipagtagpong ito ng Diyos kay Maria. Gaya ng mensahe ng anghel Gabriel kay Maria, marapat nga lamang na tayo ay “Magalak!” Tulad ni Maria, patuloy nating pagnilayan ang mensaheng ito ng anghel. Ito ang ating tatanggapin at ipagdiriwang ngayong Kapaskuhan higit pa sa kung anong regalo ang ating inaasahan. Wala ng hihigit pa sa biyaya ng pagkakatawang-tao at inaasahang pagsilang ni Jesus!© Copyright Pang Araw-Araw 2019