Ebanghelyo: Mateo 1:1-17
Ito ang libro ng pinagmulan ni Jesucristo, anak ni David at anak ni Abraham. Si Abraham ang ama ni Isaac, si Isaac ang ama ni Jacob, si Jacob ang ama ni Juda at ng Kanyang mga kapatid. Si Juda ang ama nina Parez at Zerah (si Tamar ang kanilang ina), si Parez ang ama ni Esron, at si Esron ni Aram. Si Aram naman ang ama ni Aminadab, si Aminadab ni Naason, si Naason ni Salmon. Si Salmon ang ama ni Boaz, at si Rahab naman ang Kanyang ina. Si Boaz ang ama ni Obed, si Ruth ang Kanyang ina. Si Obed naman ang ama ni Jese. Si Jese ang ama ni David na hari. Si David ang ama ni Solomon, at ang naging maybahay ni Urias ang Kanyang ina. Si Solomon ang ama ni Rehoboam na ama ni Abias, at sumunod naman ang mga haring sina Asa, Yosafat, Yoram, Ocias, Yoatan, Ahaz, Ezekias, Manases, Amon at Yosias. Si Yosias ang ama ni Yekonias at ng Kanyang mga kapatid, sa panahon ng pagkatapon sa Babilonia. Pagkatapos naman ng pagkatapon sa Babilonia – si Yekonias ang ama ni Salatiel na ama ni Zorobabel. Si Zorobabel ang ama ni Abiud, si Abiud ni Eliakim, at si Eliakim ni Azor. Si Azor ang ama ni Sadok, si Sadok ni Akim, at si Akim ni Eliud. Si Eliud ang ama ni Eleazar, si Eleazar ni Matan at si Matan ni Jacob. Si Jacob ang ama ni Jose – ang asawa ni Maria na siyang pinagmulan ni Jesus na tinawag na Kristo. Kaya may labing-apat na salinlahi mula kay Abraham hanggang kay David at labing-apat mula kay David hanggang sa pagkatapon sa Babilonia at labing-apat din hanggang sa Kristo.Pagninilay
Sa tuwing nagkakatipon-tipon ang mga magkakapamilya at magkakamag-anak, nakagawian ng balik-balikan ang kwento ng kanunununuan, ang alaala ng lolo ng lolo natin. At para sa mga kasapi ng bagong salinlahi, ito ang nagbibigay ng pagkakakilanlan bilang bahagi ng angkan. At dahil sa pagsasariwang ito, nananatiling buhay ang alaala ng kwento ng isang pamilya. Mula pa man sa simula ay nakikilakbay na ang Diyos sa Kanyang angkan mula pa sa Ama ng pananampalataya na si Abraham. Minabuti ring isilang ang Kanyang sinugong Anak bilang kabahagi ng isang angkan, ng isang pamilya. Minarapat Niyang maging bahagi ng kasaysayan ng angkan. Mapalad tayo sapagkat tayo’y ginawang kabahagi ng iisang angkan ng Diyos.© Copyright Pang Araw-Araw 2019