Ebanghelyo: Mateo 9:35 – 10:1, 5a, 6-8
At nilibot ni Jesus ang mga bayan at mga nayon; nagtuturo Siya sa kanilang mga sinagoga, nagpapahayag ng Mabuting Balita ng Kaharian at nagpapagaling ng lahat ng sakit at karamdaman. Nang makita Niya ang makapal na tao, naawa Siya sa kanila sapagkat hirap sila at lupaypay na parang mga tupang walang pastol. At sinabi Niya sa Kanyang mga alagad: “Marami nga ang aanihin at kakaunti naman ang mga manggagawa. Idalangin ninyo sa panginoon ng ani na magpadala Siya ng mga manggagawa sa Kanyang ani.” Tinawag ni Jesus ang labindalawa Niyang alagad at binigyan sila ng kapangyarihan sa maruruming espiritu para palayasin ang mga ito at pagalingin ang lahat ng sakit at karamdaman. Sinugo ni Jesus ang labindalawang ito at pinagbilinan: “Hanapin ninyo ang nawawalang tupa ng sambayanan ng Israel. Ipahayag ang mensaheng ito sa inyong paglalakbay: ‘Palapit na ang kaharian ng Langit.’ Pagalingin ang maysakit, buhayin ang patay, linisin ang mga mayketong at palayasin ang mga demonyo. Tinanggap ninyo ito nang walang bayad kaya ibigay rin ninyo nang walang bayad.Pagninilay
Hindi biro ang magkaroon ng sakit lalo’t ito’y malubha na maaaring magdala sa bingit ng kamatayan. Ito ang mga panahon na nahaharap tayo sa ating kahinaan at sa matinding pangangailangan sa tulong at kalinga ng iba. Mas tiyak na higit ang kakulangang nararamdaman ng mga bulag, mga pilay, mga bingi at mga nakaratay sa banig ng karamdaman. Batid ni Jesus ang kalagayang ito na pawang mga hiráp at lupaypay kung kaya’t siya’y lubhang nahabag. Kay Jesus tayo makakatagpo ng tunay at lubos na kagalingan. Muli n’ya tayong bubuuin at ibabalik bilang masiglang bahagi ng komunidad. Wika nga, sakit ng kalingkingan, dama ng buong katawan. Ang kagalingang dulot sa isang bahagi, ay kagalingang dulot rin sa buong komunidad.© Copyright Pang Araw-Araw 2019