Ebanghelyo: Mateo 4:18-22
Sa paglalakad ni Jesus sa pampang ng lawa ng Galilea, nakita Niya ang magkapatid na Simon na tinawag na Pedro at Andres na naghahagis ng mga lambat dahil mga mangingisda sila. Sinabi Niya sa kanila: “Halikayo, sumunod kayo sa akin, at gagawin ko kayong mangingisda ng tao.” Agad nilang iniwan ang kanilang mga lambat at sumunod sa Kanya. Nagpatuloy Siya sa paglakad at nakita naman Niya ang magkapatid na Jaime at Juan na mga anak ni Zebedeo. Nasa bangka sila kasama ng kanilang amang si Zebedeo at nagsusursi ng kanilang lambat. Tinawag sila ni Jesus. Agad nilang iniwan ang bangka nila at ang kanilang ama, at nagsimulang sumunod sa Kanya.Pagninilay
Pawang mga mangingisda ang magkakapatid na sina Pedro at Andres, Jaime at Juan. Marahil ay pangkaraniwan ang araw na iyon nang matagpuan sila ni Jesus sa Galilea. Ngunit sa sandaling tawagin sila ni Jesus, agad silang sumunod sa Kanya. Agad-agad! Bagay na hindi kayang ipagpaliban. Tiyak na may kakaibang dala-dala ang paanyaya ni Jesus sa kanila. Kaagad silang nabighani sa Kanya. Naramdaman marahil nila na may kakaibang naghihintay sa kanilang buhay; na magkakaroon ng bagong kahulugan ang kanilang buhay. Tayo rin ay tinatawag ng Panginoon sa pangkaraniwang araw ng ating buhay sa ating “Galilea”. Mabilis at agad-agad din kaya ang ating tugon? Handa rin ba nating lisanin ang ating nakagawiang buhay upang maging bahagi ng isang bagong misyon, ang maging alagad Niya?© Copyright Pang Araw-Araw 2019