Ebanghelyo: Lucas 19:11-28
Malapit na ngayon si Jesus sa Jerusalem at akala ng mga taong kasama Niya’y agad na ipakikita ang kaharian ng Diyos. Kaya sa kanilang pakikinig ay isa pang talinghaga ang inilahad sa kanila ni Jesus. Sinabi Niya: “May isang maharlikang tao na pumunta sa malayong lupain para mahirang na hari at saka Siya babalik. Tinawag Niya ang sampu Niyang katulong at binigyan sila ng tigiisang baryang ginto at sinabi sa kanila: ‘Ipagnegosyo ninyo ito hanggang sa aking pagbalik.’ Namumuhi sa Kanya ang Kanyang mga kababayan kaya nagsugo sila ng ilang kinatawan para sabihin: ‘Ayaw naming maghari sa amin ang taong ito.’ Gayon pa ma’y bumalik Siya pagkahirang bilang hari. Ipinatawag Niya ang mga katulong na binigyan Niya ng baryang ginto para malaman kung magkano ang tinubo ng bawat isa. Humarap ang una at sinabi: ‘Panginoon, tumubo ng sampu pa ang barya mong ginto.’ Sumagot siya: ‘Magaling, mabuting utusan; dahil naging matapat ka sa maliit na bagay, mapamamahala kita sa sampung lunsod.’ Dumating ang ikalawa at sinabi: ‘Panginoon, tumubo ng lima pa ang iyong baryang ginto.’ Sinabi nito sa Kanya: ‘Mamamahala ka sa limang lunsod.’ Dumating ang isa pa at sinabi: ‘Panginoon, narito ang iyong baryang ginto. Binalot ko ito sa isang panyo at itinago. Natatakot ako sa iyo dahil mapaghanap kang tao, kinukuha mo ang di mo idineposito at inaani ang di mo inihasik.’ Sinabi sa Kanya ng panginoon: ‘Masamang utusan, sa sarili mong mga salita kita hahatulan. Alam mo palang mapaghanap ako, na kinukuha ko ang di ko idineposito at inaani ang di ko inihasik, bakit di mo idineposito sa bangko ang aking baryang ginto? At makukubra ko sana iyon pati na ang interes pagbabalik ko.’ At sinabi Niya sa mga naroon: ‘Kunin sa Kanya ang baryang ginto at ibigay sa may sampu.’ Sumagot sila: ‘E, Panginoon, may sampung baryang ginto na siya.’ ‘Sinasabi ko sa inyo: bibigyan ang meron pero aalisan ang wala, kahit na ang meron Siya ay kukunin sa Kanya. Ngunit dalhin ninyo rito ang aking mga kaaway na ayaw akong maghari sa kanila at patayin sa harap ko’.” Pagkasabi nito, umuna si Jesus sa kanila pa-JerusalemPagninilay
Bawat katulong ay binigyan ng tig-iisang baryang ginto at pinagsulit ang mga ito pagbalik ng hari. Ang akto ng pagtanggap sa baryang ginto ay pagtanggap rin ng responsibilidad, ng pananagutan. Mananagot tayo sa kung anumang ipinagkaloob sa atin ng Panginoon. Kanino at saan ba tayo may pananagutan? May pananagutan tayong pagyamanin ang mga talento at kakayahang ipinagkaloob sa atin. May pananagutan tayong mahalin at paglingkuran ang ating kapwa lalo’t higit ang mga nangangailangan. May pananagutan tayong lumago sa ating pananampalataya bilang mga Kristiyano. May pananagutan tayo sapagkat tayo’y pinagkatiwalaan ng Panginoon.© Copyright Pang Araw-Araw 2019