Ebanghelyo: Lucas 14:15-24
Nang marinig ito ng isa sa mga kasalo, sinabi Niya kay Jesus: “Mapalad ang makakasalo sa bangkete ng kaharian ng Diyos!” Sumagot si Jesus: “May isang taong naghanda ng isang malaking bangkete at marami siyang kinumbida. Sa oras ng handaan, pinapunta Niya ang Kanyang katulong para sabihin sa mga imbitado: ‘Tayo na’t handa na ang lahat.’ Ngunit parang sabay-sabay namang nagdahilan ang lahat. Sinabi ng una: ‘Bumili ako ng bukid at kailangan kong pumunta para tingnan iyon. Pasensya ka na.’ Sinabi naman ng isa: ‘Bumili ako ng limang pares na bakang pang-araro at pasusubukan ko ang mga ito. Pasensya ka na’ Sinabi ng isa pa: ‘Bagong kasal ako kaya hindi ako makakapunta.’ Pagbalik ng katulong, ibinalita Niya ang lahat ng ito sa Kanyang panginoon. Galit na galit ang maysambahayan at sinabi sa Kanyang katulong: ‘Pumunta ka agad sa mga liwasan at mga lansangan ng lunsod, at papasukin mo rito ang mga dukha, mga bale-wala, mga bulag at mga pilay.’ At pagkatapos ay sinabi ng katulong: ‘Nagawa na ang ipinag-utos mo at may lugar pa rin.’ Sumagot sa Kanya ang panginoon: ‘Lumabas ka sa mga daan at mga bakuran at pilitin mong pumasok ang mga tao para mapuno ang bahay ko. Sapagkat sinasabi ko sa inyo: walang sinuman sa mga ginoong iyon na kinumbida ko ang makatitikim ng aking handa’.Pagninilay
Ayon sa isang kasabihan, “Kung gusto, may paraan; kung ayaw, maraming dahilan.” Iba-ibang dahilan ang ibinigay ng mga inimbitahan sa handaan upang hindi makadalo sa inihandang piging. Ipagpapaliban lamang natin ang ibang bagay kung batid natin kung gaano kahalaga ang isang bagay na ating dadaluhan. Kung alam lamang ng mga bisita kung gaano kahalaga ang handaang iyon, walang ibang rason upang hindian ang paanyaya. Tayo rin ay iniimbitahan ng Panginoon na makisalo sa Kanyang bangkete, sa banal na Eukaristiya. Kung batid lamang natin ang halaga nito, walang anumang bagay o gawain o anumang pinagkakaabalahan ang hindi maaaring iwanan. Ano ang ating tugon? Wiwikain din ba natin ang “Pasensya ka na?© Copyright Pang Araw-Araw 2019