Ebanghelyo: John 6:37-40
Lalapit sa akin ang bawat ibinibigay sa akin ng Ama, at hinding-hindi ko ipagtatabuyan sa labas ang lumalapit sa akin. Sapagkat pumanaog ako mula sa Langit hindi para gawin ang aking kalooban kundi ang kalooban ng nagpadala sa akin. Ito ang kalooban ng nagpadala sa akin: na huwag kong pabayaang mawala ang bawat ibinigay Niya sa akin; sa halip ay itatayo ko ito sa huling araw. Ito nga ang kalooban ng Ama ko: magkakaroon ng buhay magpakailanman ang bawat pumapansin sa Anak at nananalig sa Kanya, at itatayo ko Siya sa huling araw.”Pagninilay
Paano ba sinusukat ang buhay ng tao sa mundo? Anong alaala ang iiwan n’ya sa Kanyang kamatayan? Bawat alaalang ating pinanghahawakan ay alaala ng karanasan ng pag-ibig: alaala ng mapagmahal na ama, mapagkalingang ina, maaasahang kapatid, tapat na kaibigan. Ang alaalang ito ay mapananatili sa mundo kung ating ibabahagi ang karanasan ng pag-ibig na ito sa ibang tao. Ang panatilihin ang pag-ibig ay hindi paglimot sa alaala ng yumaong mahal sa buhay. Buhay ng pag-ibig ang ating ipinagdiriwang at hindi ang kanilang kamatayan. Sa katapusan, tatanungin tayo ng Panginoon kung gaano tayo umibig sa Kanya at sa ating mga kapatid na nagugutom at nauuhaw, walang damit at nasa bilangguan.© Copyright Pang Araw-Araw 2019