Ebanghelyo: Lucas 12:54-59
Sinabi rin ni Jesus sa mga tao: “Kapag nakita ninyong tumataas ang ulap sa kanluran, kaagad ninyong sinasabi, ‘Uulan,’ at ganoon nga ang nangyayari. At kung umiihip naman ang hangin galing timog, sinasabi ninyong ‘Magiging napakainit,’ at nangyayari nga ito. Mga mapagkunwari! Nabibigyan ninyo ng kahulugan ang anyo ng lupa at langit pero bakit hindi ninyo sinusuri kung ano ang panahong ito? At bakit hindi kayo mismo ang makapagpasya kung ano ang tama? Sa pagpunta mo sa maykapangyarihan kasama ng kalaban mo, sikapin mong makipag-areglo sa Kanya sa daan; baka iharap ka sa hukom, at ibigay ka naman ng hukom sa pulis para ipakulong sa bilangguan. Sinasabi ko sa iyo: hindi ka makalalabas doon hanggang hindi mo nababayaran ang kahuli-hulihang sentimo.”Pagninilay
Napaghahandaan natin ang papalapit na ulan o ang matinding sikat ng araw, salamat sa ating kakayahang tingnan ang mga tanda sa kalikasan. Higit na mas mahalaga na paghandaan rin ang papalapit na paghuhukom kung may kakayahan din tayong basahin ang mga tanda ng panahon. Hindi ba’t may pagkakataon tayong makipagkasundo sa Diyos sa pamamagitan ng pagtutuwid sa ating pagkakamali? Hindi ba’t ang bawat pakikisalamuha natin sa ating kapwa ay mga pagkakataon upang magbahagi ng kapayapaan at katarungan na siyang kaaya-aya sa Diyos? Bawat bagong araw na ipinagkakaloob sa atin ay oportunidad upang magbago at magbalik-loob sa Kanya. Maging matalas nawa ang ating pakiramdam sa pagbasa sa mga dakilang tanda sa ating palagid.© Copyright Pang Araw-Araw 2019