Ebanghelyo: Lucas 11:37-41
Matapos magsalita si Jesus, inanyayahan Siya ng isang Pariseo na kumain sa bahay nito. Pumasok Siya at dumulog sa hapag. At nagtaka ang Pariseo nang makitang hindi muna Siya naghugas ng kamay bago kumain. Ngunit sinabi sa Kanya ng Panginoon: “Kayong mga Pariseo, ugali ninyong linisin ang labas ng mga baso’t pinggan pero nag-uumapaw naman sa kasakiman at kasamaan ang inyong loob! Mga hangal! Di ba’t ang maygawa ng labas ang Siya ring maygawa ng loob? Pero naglilimos lamang kayo at sa akala ninyo’y malinis na ang lahat. Pagninilay
Isang lipunang lubos na pinahahalagahan ang panlabas na kaanyuan ang ating ginagalawan. Madalas nating husgahan ang kung ano ang nakikita ng ating mga mata. Kung ano ang kaaya-aya at kaakitakit sa ating paningin ang madalas nating binibigyang pansin. Ngunit ano mang panlabas na kagandahan ay magiging hungkag kung hindi ito sumasang-ayon sa kalooban. Alalahanin nating batid ng Panginoon ang ating kalooban. Hindi natin ito maikukubli ng ating mga pagkukunwari at pagpapakitangtao. Hayaan nating bumusilak ang kagandahan ng ating kalooban at kusa itong ipapamalas sa tunay na kagandahan ng panlabas na kaanyuan.© Copyright Pang Araw-Araw 2019