Ebanghelyo: Lucas 11:1-4
Isang araw, nananalangin si Jesus sa isang lugar at pagkatapos Niya’y sinabi sa Kanya ng isa sa Kanyang mga alagad: “Panginoon, turuan mo kaming manalangin kung paanong tinuruan ni Juan ang Kanyang mga alagad.” At sinabi ni Jesus sa kanila: “Kung mananalangin kayo, sabihin ninyo: “Ama, sambahin ang ngalan mo, dumating ang kaharian mo, bigyan mo kami araw-araw ng pagkaing kailangang-kailangan namin, patawarin mo kami sa aming mga sala; tingnan mo’t pinatatawad din namin ang lahat ng may utang sa amin, at huwag mo kaming dalhin sa tukso.”Pagninilay
Ang panalangin ay pakikipagtagpo. Ang pakikipagtagpo ay pagbubukas at pagtanggap sa presensya ng Iba. Hindi ba’t kapanapanabik ang makipagtagpo sa isang mahal sa buhay? Ang Diyos mismo ang nakikipagtagpo sa atin. Sa panalanging itinuro ng ating Manunubos, tayo’y kumikilala sa presensya ng isang mapagmahal at mapagkalingang Ama. Gayundin ay pagkilala ito sa ating mga sarili bilang mga tao na ang Diyos lang ang siyang tanging makapupuno. Ang Ama ang tanging makapagbibigay ng kakanin sa araw-araw, magpapatawad sa ating mga kasalanan at maglalayo sa atin sa kapahamakan. Isang dakilang biyaya ang tularan si Jesus sa Kanyang panalangin. Isang dakilang biyaya ang ituring na anak at ang bigkasin sa Diyos ang “Ama Namin.© Copyright Pang Araw-Araw 2019