Ebanghelyo: Lucas 10:25-37
May tumindig na isang guro ng Batas para subukin si Jesus. Sinabi Niya: “Guro, ano ang gagawin ko para makamit ang buhay na walang hanggan?” Sumagot sa Kanya si Jesus: “Ano ba ang nasusulat sa Batas, at paano mo ito naiintindihan?” Sumagot ang guro ng Batas: “Mamahalin mo ang Panginoon mong Diyos nang buo mong puso at nang buo mong kaluluwa at nang buo mong lakas at nang buo mong pag-iisip. At nasusulat din naman: Mamahalin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.” Noo’y sinabi ni Jesus sa Kanya: “Tama ang sagot mo. Gawin mo ito at mabubuhay ka.” Pero gustong mangatwiran ng guro ng Batas kaya sinabi Niya kay Jesus: “At sino naman ang aking kapwa?” Sinagot Siya ni Jesus: “May isang taong bumaba mula sa Jerusalem papunta sa Jerico at nahulog Siya sa kamay ng mga tulisan. Hinubaran Siya ng mga ito at binugbog at saka iniwang halos patay na. Nagkataon namang may isang paring pababa rin sa daang iyon. Pagkakita sa Kanya, lumihis ito ng daan. Gayundin naman, may isang Levitang napadaan sa lugar na iyon; nang makita siya’y lumihis din ito ng daan. Pero may isang Samaritano namang naglalakbay na napadaan sa kinaroroonan Niya; pagkakita nito sa Kanya, naawa ito sa Kanya. Kaya’t lumapit ito, binuhusan ng langis at alak ang Kanyang mga sugat at binendahan. Isinakay nito ang tao sa sarili Niyang hayop at dinala sa isang bahay-panuluyan at inalagaan. Kinabukasan, dumukot ang Samaritano ng dalawang dinaryo, ibinigay sa may-ari ng bahay-panuluyan at sinabi: ‘Alagaan mo siya; sasagutin ko ang anumang karagdagang gastos pagbalik ko’.” At sinabi ni Jesus: “Sa palagay mo, sino sa tatlong ito ang naging kapwa sa taong nahulog sa kamay ng mga tuli-san?” Sagot ng guro: “Ang nagdalang-habag sa Kanya.” Kaya sinabi ni Jesus sa Kanya: “Humayo ka’t ganoon din ang gawin.Pagninilay
Kaninong puso ang hindi maaantig sa harapan ng isang taong sugatan at nakahandusay sa daan? Maging ang Levita at ang pari, bilang mga alagad ng Diyos, ay naawa at nahabag din pagkakita sa kalagayan ng taong sugatan. Gayunpaman, ang kanilang habag ay hindi nagdala sa kanila sa pagtulong sa kanilang kapwa, sa takot na hindi nila magampanan ang kanilang tungkulin sa templo kung sila’y marumihan. Samantala, nagdalang habag ang Samaritano at lubusang tumulong. Sinong hindi mahahabag sa mga batang nagugutom sa kalye, o sa mga matatandang pinabayaan ng mga anak, o sa mga biktima ng karahasan at kalamidad? Maaari tayong mahabag. Ngunit handa ba tayong maging Samaritano sa ating kapwa?© Copyright Pang Araw-Araw 2019