Ebanghelyo: Lucas 10:1-12
Pagkatapos nito, humirang ang Panginoon ng iba pang pitumpu’t dalawa at isinugo silang dala-dalawa na mauna sa Kanya sa bawat bayan at lugar na takda Niyang puntahan. Sinabi Niya sa kanila: “Marami nga ang aanihin at kakaunti naman ang mga manggagawa; idalangin ninyo sa panginoon ng ani na magpadala Siya ng mga manggagawa sa Kanyang ani. Lumakad na kayo. Isinusugo ko kayong parang mga tupa sa gitna ng mga asong-gubat. Huwag kayong magdala ng pitaka, bag o mga sandalyas. At huwag ninyong batiin ang sinuman sa daan. Saanmang bahay kayo pumasok, sabihin muna ninyo: ‘Mapasatahanang ito ang kapayapaan!’ Kung mapayapang tao ang naroon, sasakanya ang inyong kapayapaan. Kung hindi’y magbabalik sa inyo ang inyong dasal. At sa bahay na iyon kayo manatili; kumain kayo at uminom na kasalo nila sapagkat may karapatan ang manggagawa sa Kanyang sahod. Huwag kayong magpapapalit-palit ng bahay. Saanmang bayan kayo pumasok at tanggapin nila kayo, kanin ninyo anumang ihain sa inyo. Pagalingin din ninyo ang mga maysakit doon at sabihin ninyo sa kanila: ‘Palapit na sa inyo ang kaharian ng Diyos.’ Saanmang bayan kayo pumasok at di nila kayo tanggapin, lumabas kayo sa mga liwasan nito at inyong sabihin: ‘Pati na alikabok mula sa inyong bayan na kumapit sa aming mga paa ay ipinapagpag namin sa inyo. Gayunman, alamin ninyong palapit na ang kaharian ng Diyos.’ Sinasabi ko sa inyo na magaan pa ang sasapitin ng mga taga-Sodom kaysa bayang iyon sa dakilang Araw.Pagninilay
Sa mundong nababalot ng kaguluhan at karahasan, higit sa anupaman, kapayapaan ang inaasamasam. Sa bansang may hidwaan at hindi pagkakasundo, higit sa anupaman, kapayapaan ang minimithi. Maging sa kaloobang napapagod at nangangamba, higit sa anupaman, kapayapaan ang ninanais makamtan. Ang Salita ng Diyos ay ang Mabuting Balitang naghahatid ng kapayapaan. Kapayapaan ang awit ng mga anghel sa langit sa pagsilang ni Jesus (Lk 2:14). Kapayapaan ang hatid ni Jesus na Muling Nabuhay sa Kanyang muling pagpapakita sa mga alagad (Jn 20:19). Walang ibang makapagpapanatag ng ating kalooban kundi ang kapayapaan na hatid ni Jesus. Walang ibang magpapanumbalik sa mundo kundi ang kapayapaang dala ng Mabuting Balita. Maging daluyan din nawa tayo ng kapayapaan.© Copyright Pang Araw-Araw 2019