Ebanghelyo: Lucas 9:51-56
Nang papalapit na ang panahon ng pag-aakyat sa Kanya, tahasang ipinasya ni Jesus na pumunta sa Jerusalem. Nagpadala Siya ng mga sugo para mauna sa Kanya at pumasok sila sa nayon ng mga Samaritano para ihanda ang Kanyang matutuluyan. Pero ayaw nila siyang tanggapin dahil papunta Siya sa Jerusalem. Kaya sinabi sa Kanya ng Kanyang mga alagad na sina Jaime at Juan: “Panginoon, gusto mo bang tumawag kami ng apoy na babagsak mula sa langit para puksain sila?” Lumingon si Jesus at pinagwikaan sila, at sa ibang bayan sila nagpunta.Pagninilay
Marami ang naghahangad ng kapangyarihan. Subalit nagiging mapanganib ang kapangyarihan kung ginagamit ito ng walang responsibilidad at tunay na pagpapahalaga sa tao. Kapag ang kapangyarihan ay ginamit sa gitna ng matinding emosyon, kadalasan itong nagdadala sa pananakit, paghihiganti at maging karahasan. Dahil tinanggihan silang patuluyin ng mga Samaritano, agad-agad ninais nina Juan at Santiago na pababain ang apoy sa langit upang puksain ang mga ito. Hindi hinayaan ni Jesus ang karahasan at sa halip ay naghanap ng ibang lugar. Sa paghahangad natin ng posisyon at kapangyarihan, tulad ng hiniling ng ina nina Juan at Santiago para Kanyang mga anak, batid ba natin ang ating hinahangad? Saan tayo dadalhin ng ating kapangyarihan?© Copyright Pang Araw-Araw 2019