Ebanghelyo: Juan 1:19-28
Ito ang pagpapatunay ni Juan nang papuntahin sa kanya ng mga Judio ang ilang mga pari at Levita mula sa Jerusalem para tanungin siya: “Sino ka?” Inako niya di ipinagkaila, inako nga niyang “Hindi ako ang Kristo.” At tinanong nila siya: “Ano ka kung gayon? Si Elias ka ba?” At sinabi niya: “Hindi.” “Ang Propeta ka ba?” Isinagot naman niya: “Hindi” Kaya sinabi nila sa kanya: “Sino ka ba? Para may maisagot kami sa mga nagpapunta sa amin. Ano ba ang masasabi mo tungkol sa ‘yong sarili?” Sumagot siya gaya ng sinabi ni Propeta Isaias: “Tinig ako ng isang sumisigaw sa disyerto: Tuwirin ang daan ng Panginoon.” May mga pinapunta mula sa mga Pariseo. At tinanong nila siya: “Eh, ba’t ka nagbibinyag kung hindi ikaw ang Kristo, ni si Elias, ni ang Propeta?” Sinagot sila ni Juan: “Sa tubig ako nagbibinyag ngunit may nakatayo sa piling ninyo na hindi n’yo kilala. Siya ang dumating na kasunod ko pero hindi ako karapat-dapat magkalag ng panali ng kanyang panyapak.” Sa Betaraba nangyari ang mga ito, sa kabilang-ibayo ng Jordan na pinagbibinyagan ni Juan.
Pagninilay
“Tuwirin ang mga daanan.” Noong panahon ng mga propeta sa Lumang Tipan, kapag ang isang hari ay dadalaw o dadaan sa isang bayan, pauunahin niya muna ang kaniyang alipin para ipaalam sa mga tao na darating ang hari. “Tuwirin ang mga daanan, gumawa kayo ng mga tuwid na landas na kanyang lalakaran” ang sigaw nila. Isang alipin lamang ang tingin ni Juan sa sarili. Ang kaniyang misyon ay gumabay sa mga tao upang salubungin nila ang Hari ng mga hari. Ilagay natin ang ating sarili bilang mga taong nakikinig kay Juan. Nagsilapit sila sa Propeta para maging handa sa pagdating ng Mesiyas na kanilang hinihintay. Kung kaya’t magsimula tayo ng bagong taon na may kasiguraduhan na dadalawin tayo ng Panginoon. Hawak natin ang pala at piko upang patatagin ang ating puso, at may kakayahan tayo na igilid ang mga bato, sanga, masamang damo, o kung anuman ang balakid sa daan. Araw-araw dumaraan ang Hari sa ating mga buhay: dumaraan siya sa mga taong nangangailangan ng pansin, tulong, at pagkalinga.
© Copyright Pang Araw-Araw 2025