Ebanghelyo: Lucas 9:51-56
Nang papalapit na ang panahon ng pag-aakyat sa kanya, tahasang ipinasya ni Jesus na pumunta sa Jerusalem. Nagpadala siya ng mga sugo para mauna sa kanya at pumasok sila sa nayon ng mga Samaritano para ihanda ang kanyang matutuluyan. Pero ayaw nila siyang tanggapin dahil papunta siya sa Jerusalem. Kaya sinabi sa kanya ng kanyang mga alagad na sina Jaime at Juan: “Panginoon, gusto mo bang tumawag kami ng apoy na babagsak mula sa langit para puksain sila?” Lumingon si Jesus at pinagwikaan sila, at sa ibang bayan sila nagpunta.
Pagninilay
I sang realidad sa buhay na dapat nating maunawaan ay hindi lahat sasang-ayon sa iyo. Hindi lahat ay magugustuhan ka. Kumbaga sa facebook pag nagpost ka ng iyong opinyon, hindi lahat “likes” ang matatanggap mo. Mayroon ding “dislikes” at kamalasmalasan pa maraming hindi magagandang “comments” na mababasa. Ganun talaga ang buhay. Maging si Jesus ay hindi nakaligtas sa ganitong reaksyon ng mga tao. Kahit kilala na Siya nang napakaraming tao, mayroon pa ring ayaw siyang kilalanin at tanggapin. Ang maganda rito ay ang ipinakitang pagtanggap ni Jesus sa mga lugar o taong ayaw tumanggap sa kanya. Nais nang kanyang mga kasama na gumanti at paulanan sila ng apoy. Subalit si Jesus ay hindi nag-aksaya ng panahon na intindihin pa sila. Mas higit na mahalaga sa kanya ang makarating agad sa Jerusalem upang maisakatuparan ang kanyang misyon.
Nawa’y ganito rin ang ating maging pag-uugali. Bakit natin paglalaanan ng panahong isipin ang mga taong ayaw sa atin? Bakit pa tayo magpapaapekto na halos makalimutan natin ang mga dapat nating gawin? Kagaya ni Jesus, magfocus tayo sa mga misyon na dapat nating tapusin.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022